MANILA, Philippines – Pinaratangan ng Department of Justice (DOJ) sina dating
Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at ex-BuCor deputy officer Ricardo Zulueta kaugnay sa di-umano ay pananaksak ng dalawang gang commanders sa New Bilibid Prison noong Pebrero 2022.
Sa pahayag nitong Martes, Mayo 16, sinabi ng DOJ na nakakita sila ng sapat na dahilan para iugnay si Bantag sa two counts ng physical at psychological torture at two counts ng serious physical injuries.
Samantala, si Zulueta naman ay kakasuhan din dahil naging accessory ito sa nangyaring krimen.
Ang kaso ay nag-ugat sa alegasyon ng mga biktimang sina Ronald Usman at Jonathan
Cañeta na sinaktan umano ni Bantag na noon ay lasing habang nasa loob ng Bilibid.
Inakusahan ni Usman si Bantag na sinaksak siya nito sa hita habang si Caneta naman ay sinaksak din sa kamay, dahilan para maparalisa ang gitnang daliri niya.
Anang DOJ, ang paratang nina Usman at Caneta ay sinuportahan din ng mga PDL na nakakita umano sa pananaksak.
Ang kaso ay ihahain sa Muntinlupa City Regional Trial Court.
Ngayon ay wala pang tugon sina Bantag at Zulueta kaugnay ng paratang. RNT/JGC