Home METRO Bantay-riles vs sakuna inaatas ng alkalde sa mga tanod

Bantay-riles vs sakuna inaatas ng alkalde sa mga tanod

POLANGUI, Albay — Iniutos ni Polangui Mayor Raymond Adrian Salceda sa mga opisyal ng mga barangay na dinadaanan ng train ng ‘Philippine National Railways (PNR)’ na magsagawa agad ng malawakang pagturo at paalaala sa lahat ng mga naturang barangay upang maiwasan ang mga aksidente matapos mahagip at mapatay ng tren ang isang 21 anyos na lalaki noong nakaraang Biyernes (Enero 19) ng hapon.

Walong matataong mga barangay ang dinadaanan ng PNR Naga-Legazpi train sa bayang ito — Agos, Matacon, Lanigay, Sugcad, Magurang, Santicon, Apad, at Basud. Ang ilan sa mga ito ay nasa kalagitnaan ng Polangui.

Nagpahayag ng pagkabahala si Salceda sa dalawang aksidente sa tabi ng riles ng tren na kumitil din ng dalawang buhay sa kanilang bayan mula nang binuhay muli ang biyahe ng PNR Camarines Sur-Albay train noong nakaraang taon.

Ang aksidente nitong nakaraang Biyernes ay naganap sa Brgy. Sugcad. Ang nauna ay nangyari noong Nobyembre 6, 2023 sa Brgy. Apad kung saan isang 29 taong lalaking “epileptic” and nahulog diumano sa riles at nasagasaan ng tren. Isa ring aksidente ang naulat na nangyari sa Naga City noong 2023.

Sa isang ‘executive order’ na inilabas ni Mayor Salceda noong Biyernes inatasan niya ang ‘chairman’ ng mga naturang barangay na magtalaga ng mga Tanod na bantayan ang istasyon ng tren sa kanilang mga barangay sa oras ng biyahe ng tren sa lugar nila.

May dalawang balikang biyahe ang PNR Naga-Legazpi train — isa sa umaga, isa sa hapon. Bawat biyahe na humihinto sandali sa Ligao City ay naglululan ng mga 250 pasahero.

“Iniutos ko rin sa aming ‘Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office’ na makipag-ugnayan sa Police at magsagawa ng mga ‘orientation session’ at mamigay ng mga ‘information campaign materials’sa mga nakatira sa mga barangay na dinadaanan ng tren,” sinabi ni Salceda sa media at binigyan niya ng diin na hindi dapat ginagawang istambayan ang tabi ng riles.

Ang muling pagbubukas ng “PNR Naga-Legazpi train service” ay masigasig na isinulong ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda. Bukod sa higit na murang pasahe at konbeniyenteng biyahe ng mga pasahero at produkto, inaasahan itong lalong magpapasigla sa kabuhayan at ekonomiya hindi lamang ng naturang lungsod kundi ng buong Bikolandia. RNT

Previous articleNSC sa Tsina: Kasunduan sa kapayapaan sa WPS igalang
Next articleMaritime deal ng Pinas, Vietnam lalagdaan sa Hanoi state visit ni PBBM