MANILA, Philippines – Naging maayos ang pagtatapos ng unang araw ng nationwide 2023 bar examinations ngayong araw sa Lungsod ng Maynila.
Mula pa madaling araw ngayong Linggo,Sept.17 ay bantay sarado na ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang paligid ng dalawang unibersidad na pagdaraosan ng pagsusulit.
Ilan sa mga bar takers ay hatid-sundo nang kanilang mga kaibigan at kapamilya bilang pagpapakita ng suporta sa mga bar examinees.
Sa Maynila, ginawa ang bar examinations sa University of Sto.Tomas at San Beda University.
Sa panayam kay MPD P/Brig.General Andre Dizon, sa mga oras na ito ay ‘generally peaceful ‘ ang exams sa parehong unibersidad.
Dagdag pa, ang kabuuang examinees sa UST ay 731 habang 1,614 naman sa San Beda University.
Ayon pa kay Dizon, ang mga nakadeploy na mga kapulisan ay mananatiling nakabantay hanggang sa paglabas ng mga bar takers upang matiyak na maayos ang kanilang paglabas sa naturang mga unibersidad.
Karamihan din sa mga kumuha ng exams ay mga 3rd time takers o pangatlo nang nakikipagsapalaran na maipasa ang pagsusulit upang maging ganap na abogado. Jocelyn Tabangcura-Domenden