ZAMBOANGA CITY –HINDI inakala ng isang barangay kagawad na huling hapunan na nito matapos pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang suspek habang sugatan ang kanyang misis at kanilang driver, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Kinilala ang nasawi na si Barangay Tolosa Councilor Mark Ryan Rodriguez, 29, habang nilapatan ng lunas sa ospital ang kanyang misis na si Anne at driver na si Jomel Mendoza.
Ayon kay Col. Alexander Lorenzo, Zamboanga City Police Office (ZCPO) director, dakong 9:30 PM ng maganap ang krimen sa labas ng bahay ng biktima sa nasabing barangay.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, naghahapunan ang biktima kasama ang kanyang pamilya sa labas ng kanilang bahay ng biglang sumulpot ang dalawang motorsiklo sakay ang mga suspek.
Dito, pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima at tinamaan sina Anne at Mendoza sa katawan.
Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.
Isinugod naman sa ospital ang mga biktima subalit pagsapit ng 10:07 ay nalagutan na rin ng hininga ang barangay kagawad.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang tunay na motibo sa krimen./Mary Anne Sapico