Home METRO Barangay kagawad todas sa aksidenteng pagputok ng nilalarong baril!

Barangay kagawad todas sa aksidenteng pagputok ng nilalarong baril!

MANILA, Philippines- Isang barangay kagawad ang namatay makaraang pumutok habang nilalaro ang baril na nakatutok sa bibig, sa harap ng kanyang mga kainuman sa Brgy. Tambo Kulit, Indang, Cavite.

Sa report, kinilala ang biktima na si John Bonne Noel, nasa hustong gulang, incumbent barangay kagawad sa nasabing lugar.

Ayon sa ulat, dakong alas-7:35 ng gabi nang maganap ang insidente, kung saan nakikipag-inuman ang biktima sa mga kaibigan nito sa dinaluhang piyesta malapit sa kanilang lugar.

Napag-alaman na dahil sa kalasingan at marami na umanong nainom, inilabas nito ang kanyang caliber .45 na baril upang ipakita sa mga kainuman at inalis pa nito ang magazine sabay tutok sa bibig subalit aksidenteng nakalabit nito ang gatilyo at pumutok na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Mabilis na nagtakbuhan palayo ang mga kainuman dahil sa takot.

Kaagad namang naisugod sa Poblete Hospital ang biktima subalit patay na ito.

Masusing nag-iimbestiga ang pulisya kaugnay sa naganap na insidente at kung may kaukulang papeles ang baril na ginamit ng biktima. Margie Bautista