MANILA, Philippines- Hinamon ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang lahat ng barangay officials na sumailalim sa drug test para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataang Elections (BSKE).
Paliwanag ni MPD Director Brig.General Andre Dizon sa Balitaan sa Tinapayan, ito ay upang maiwasan ang agam-agam at pag-alinlangan na ang mga barangay officials ay sangkot sa illegal na droga.
“Tyina-challenge po natin sila na magpadrug test upang mapatunayan na minsan hindi sila gumamit ng illegal drugs.”
Ito naman aniya ay boluntaryo at kapag tumanggi naman ay ipapaubaya na lang sa Department of Interior and Local Government (DILG) at sa Manila Barangay Bureau.
Sinabi ng heneral na malaki ang maitutulong nito sa kampanya laban sa illegal na droga ng MPD dahil kapag hindi sila sangkot ay naroon ang tiwala na hindi sila pagdadamutan ng mga impormasyon.
Ang pahayag ni Dizon ay kaugnay na rin sa sinabi ni Comelec spokesperson Atty.Rex Laudiangco na tali ang kanilang kamay sa ganitong mga usapin..
Aniya ,2010 pa nang hiniling nila sa mga barangay officials kapag nagsusumite ng Certificate of Candidacy o COC na magsama ng drug test result sa kanilang dokumento subalit iniapela ito at natalo sa Korte Suprema. Jocelyn Tabangcura-Domenden