
TUWING halalan, nasyonal man o lokal – ang Barangay Potrero sa Malabon ay sentro nang mainit na balitaktakan sa pagitan ng mga tumatakbong magkakaribal na pulitiko sa lungsod.
Isa sa pinakamalaking barangay sa bansa ang Potrero na mayaman sa boto kaya ang malaking bilang ng mga botante ang ‘di maitatagong dahilan kaya sikat ang lugar na ito kapag eleksyon.
Pero higit sa source ito nang libo-libong boto, ang Potrero ay ‘hotly contested’ kapag election dahil sa ‘di lang maiinit kundi nagbabagang estilo ng kampanya sa magkakabilang panig.
Sa matagal na panahon, ang Potrero ay hinawakan ng Nolasco family – simula sa pinaslang na kapitan turned city councilor Eddie Nolasco, naging chairman na ngayo’y Konsehal Edward Nolasco at kasalukuyang kapitana Sheryl Nolasco.
Sa nagdaang mga barangay election, marami ang sumubok, nagtangka para mabago naman ang liderato ng Potrero na isa sa pinakamayaman ding barangay sa Pinas, subali’t walang nagtagumpay.
Sa datating na Oktubre 30 ay pipiling muli ang mga taga-Potrero ng kanilang magiging pinuno sa pagitan nang tumatakbong sina Nolasco at City Council veteran member Dado Cunanan.
Kung sa nakaraang mga halalan ay hayahay ang mga Nolasco, ngayon ay tila may tulog si Kapitana dahil ang katunggaling si Cunanan, tulad nila, ay laging topnotcher sa halalan.
Bukod sa kilalang pulitiko ang kalaban (Cunanan), ang nabulgar na pang-aabuso ni Nolasco sa trabaho bilang “Ina ng Potrero” ay nagdala ng batik sa kanyang pagiging lingkod bayan.
Noong Setyembre 25 ay isiniwalat ni Marsha Llobrera, dating staff ni Nolasco sa barangay, sa Office of the Ombudsman ang pagmamalabis umano sa tungkulin ng chairwoman.
Ayon kay Llobrera, si kapitana ay “frequent fixture” sa casinos; nagbibiyahe sa Macau para magsugal at walong beses na nagbiyahe abroad na walang required travel permit bilang lingkod bayan.
Gumamit din umano ang kapitana ng P180,591.35 mula sa pondo ng barangay na walang Barangay Council authority at iba pang supporting documents na isang paglabag sa umiiral na batas.
Anang dating staff ni Nolasco, ang kanyang ‘boss’ ay nagpapabaya, umaabuso sa tungkulin na tiyak na mapatutunayang lumabag sa alituntunnin ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act na may kaakibat na pagkatanggal o dismissal sa puwesto o serbisyo.
Kung sino kina Nolasco at Cunanan, ang tatangkilikin sa election day ng mga taga-Potrero, iyan ay ating aabangan.