Home OPINION BARANGAY TREASURER KAILANGANG MAY BOOKKEEPING COURSE

BARANGAY TREASURER KAILANGANG MAY BOOKKEEPING COURSE

ANG Maynila bilang kapitolyo ng bansa ang may pinakamaraming bilang ng barangay na umaabot sa 897, sumunod ang  Pasay City na may 201 at ang Caloocan City  na may 188.

Ibinabatay kasi sa dami ng populasyon ang pagbuo ng isang barangay at dahil hindi maikakaila na may pinakamataas na bilang ng populasyon ang Maynila, marami rin ang bilang ng mga barangay nito.

Maraming lugar sa lungsod ang magkakadikit lang o magkakatapat ng kalye ang mga barangay kaya mas maraming barangay ang may maliit lang na pondo kumpara sa mga kalapit lungsod na “mucho” ang kaban ng kanilang barangay dahil sa laki ng parte nila sa Internal Revenue Allotment o IRA.

May ilang barangay na maliit na nga ang pondo, naibubulsa pa ng tiwaling opisyal ang malaking bahagi na sana ay nakalaan sa mga kinakailangang proyekto at programa para sa  mamamayan.

Pero kung may sapat sanang kaalaman ang tumatayong ingat-yaman o treasurer ng barangay sa kanilang responsibilidad, posibleng maiiwasang maibulsa ng kanilang Kabesa ang pondo o kung talagang mahigpit ang pangangailangan, kurot lang ang puwede niyang harbatin.

Malaki ang papel na gampanin ng treasurer dahil sila ang nag-iingat ng pondo at ari-arian ng barangay at gumugol ng pondo batay sa panuntunan sa ilalim ng Local Government Code.

Sa laki ng responsibilidad na nakaatang sa balikat ng itinalagang treasurer, dapat ay may kaalaman sila kahit papaano sa accounting at bookkeeping para maging maayos ang paglalatag nila ng ulat sa kabuuang pondo at gastusin ng barangay.

May mga Punong Barangay ang nagtatalaga ng treasurer batay lang sa pagiging kumpare o kumare o dahil nakatulong ng malaki sa kanilang kandidatura kahit salat sa kaalaman sa responsibilidad.

Dapat itong masilip ng mga mambabatas lalo na’t sa ilalim ng Section 10 ng R.A. 10742, na inamiyendahan ng RA 11768, mandatory o puwersahan ang pagsasailalim muna sa bookkeeping training ang mga itinalagang Sangguniang Kabataan treasurers bago sila magsimulang manungkulan.

Tila mas may kaalaman pa  ang ilang kabataan sa bookkeeping at accounting kumpara sa mga nakaupong treasurer ng barangay, kaya dapat ay may batas din para sumailalim muna ang barangay treasurers sa mandatory bookkeeping course bago manungkulan.

Tutal naman, may alok ang Technical Education and Skills Development Authority  o TESDA  sa pamumuno ni Secretary Suharto Mangudadatu na libreng kursong bookkeeping sa mga treasurer ng SK kaya pwede nilang isama rito ang treasurer ng barangay.

Previous articleANG PANGHI NG MAYNILA
Next articleMAGING MAINGAT, MAPANURI SA PRODUKTONG BINIBILI