Home METRO Basta na lang inilibing ng mga kabaro, bangkay ng NPA umalingasaw

Basta na lang inilibing ng mga kabaro, bangkay ng NPA umalingasaw

Ang kalunos- lunos na bangkay ng rebeldeng NPA na ibinaon ng kanyang mga kasama sa mababaw na hukay.

LUCENA CITY—ISANG bangkay ng isang rebeldeng New People’s Army (NPA) ang natagpuan mula sa mababaw na hukay kung saan ito ibinaon ng kanyang mga kasama makaraan ang isang pananambang sa mga miyembro ng Citizen’s Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa labanan ng militar sa hangganan ng Quezon at Camarines Norte noong umaga ng September 1.

Dahil mababaw lamang ang lupang pinagbaunan, naamoy at nakalkal ito ng asong askal kaya’t napansin ito ng isang residente sa Sitio Katakian, Brgy. Mapulot, Tagkawayan, Quezon, malapit sa pinangyarihan ng pananambang kung san nasawi ang 5 miyembro ng CAFGU at ikinasugat ng 3 iba pa pa kabilang ang isang sundalo ng Philippine Army na pawang nakatalaga sa isang CAFGU patrol base ng 85th Infantry Battalion.

Dahil dito, ipinagbigay-alam naman kaagad ng residenteng nakadikubre ng bangkay sa mga awtoridad ang inidente kaya’t nang puntahan ng mga pulis at military ang lugar, nakita rito ang mga labi ng rebelde na may tama ng bala sa mukha at balikat.

Nabatid na wala pang pagkakakilanlan ang bangkay ng rebelde na isasailalim sa awtopsiya.
Kinondena naman ng mga naninirahan sa nabanggit na lugar ang ginawang pananambang sa natagpuang bangkay.

“Para namang hayop lang nila itinuring ang nasawi nilang kasama. Sana ay iniwan na lamang nila ang bangkay sa pinangyarihan ng ambush nang sa gayon ay nabigyan sana ng gobyerno ng disenteng libing na katulad ng ibinigay sa mga nasawing kawal”, pahayag ng isang ginang na tumangging magpakilala.

Sinabi naman ng isang residente na dahil marahil sa kagustuhan ng mga Bicolanong rebelde na makapagyabang sa publiko matapos ang matagumpay nilang pananambang kung kaya’t inilihim nila ang katotohanan na ang kanilang grupo ay nalagasan din ng kasapi matapos manlaban ang mga CAFGU.

Base sa Intelligence report ng militar, sinasabi na ilan sa mga rebeldeng Bicolano ang nasugatan at nasawi sa gitna ng bakbakan ngunit ang mga ito ay nagawang maitakas ng kanilang mga kasama.
Bukod sa mga rebeldeng Bicolano, nagyabang din ang tagapagsalita ng Apolonio Mendoza Command (AMC) na dating namamayagpag sa Southern part ng lalawigan ng Quezon.

Sinabi ng tagapagsalita sa isang press statement na malakas pa rin ang natitirang kasapi pwersa ng NPA sa Quezon.

Pinabulaanan naman ito ng pulisya at militar na nagsabing isa lamang itong paglulubid ng buhangin dahil ang totoo anila’y malaon nang naghihingalo ang AMC at naglalakaslakasan na lamang upang muling makapangotong sa mga kandidato sa idadaos na Barangay at SK elections at patuloy na makapangolekta sa ilang negosyante sa lalawigan na kanilang tinatakot.

Ito umano ang isang dahilan kung bakit pilit na itinatanggi ng AMC na mga rebeldeng Bicolano ang nagsagawa ng pananambang sa mga tauhan ng CAFGU. RNT

Previous articleWalang batas vs red-tagging – Ombudsman
Next articleSSS LUMAGDA NG KASUNDUAN SA DALAWANG LGU AT APAT NA AHENSYA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here