Home OPINION BATAS AT KATARUNGAN

BATAS AT KATARUNGAN

CONGRATS sa 3,812 na bar passers ngayong 2023! Mahigit sampung libong law graduates ang sumuong sa pagsusulit kaya lampas 36% ang pumasa.   Talaga namang dumaan sa “butas ng karayom” ang mga kumuha ng Philippine bar exams, na kinikilalang pinakamahirap na exam sa bansa.

Ikinatuwa ni Supreme Court Associate Justice Ramon Paul Hernando na maraming top-notchers at bar-passers na mula sa mga law school na labas sa Metro Manila.   Ibig daw sabihin nito ay wala ng monopolyo ang NCR sa kalidad ng eskwelahan at review centers.  Malamang ay nakatulong din ang pagdagdag ng mga test center sa maraming probinsya at ang pagdagsa ng mga online at electronic review tests.

Nakatutuwa rin ang kwento ng isang retiradang  62-year old na bar passer, na ginustong mag-aral muli dahil napagtapos na rin naman n’ya ang lahat ng kanyang mga anak, at talaga raw pangarap niyang maging isang abogado.

Alam ko ang pinagdaanan ng law students, dahil isa rin ang anak ko.  Mula sa dami ng babasahin hanggang sa pag-memorize ng sangkaterbang mga batas, lalo na raw ‘yung  mga “codal law”.  Puyat, lungkot, nerbyos at pagkabahala ang halos araw-araw na binubuno nilang magkaka-eskwela.   Kahit na nga ba raw meron silang mga study group, ‘pag natapat ka talaga sa terror na propesor at hindi mo nabasa ‘yung tamang case study, malamang “tameme” ka sa recitation.

Meron din namang tuligsa sa ating bar exams.  Ayon sa mga kaibigan kong mga beteranong abogado na, mas kailangan natin ang mga abogado na matalas magsuri at masipag mag-imbestiga, kesa sa mga abogadong kabisado lang ang mga probisyon ng mga batas.   At kulang tayo sa  “public interest lawyers” o yung mga nagbibigay serbisyo sa mga mahihirap.  Mas marami rin ang pumupunta sa mga pribadong korporasyon, kesa sa gobyerno.

Anopaman ang landas na tatahakin ng mga bagong pañero, hiling natin na sila ay maging matatag at mabuting mga sandigan ng katarungan dito sa Pilipinas.

Previous articleNCRPO: AGINALDO PARA SA UMAASA SA MGA KA-‘SERBISYO’
Next articleHOLDAP AT SALISI SA SIMBANG GABI