Home NATIONWIDE Batas sa mga senior citizen, isa pang batas tinintahan ni PBBM

Batas sa mga senior citizen, isa pang batas tinintahan ni PBBM

MANILA, Philippines – OPISYAL na tinintahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga batas na Republic Act (RA) 11981, o Tatak Pinoy Act, at RA 11982, nagkakaloob ng benepisyo sa octogenarians at nonagenarians.

“Today, it’s my honor to sign into law two bills which not only honor two key sectors of society, but mandate measures that protect their rights and promote their development,” ang inihayag ni Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati sa isinagawang paglagda sa dalawang batas sa Ceremonial Hall ng Palasyo ng Malakanyang.

“Each of these laws encapsulates the merits that the Bagong Pilipinas uphold toward building a strong nation. For example, the Tatak Pinoy Act is about investing in Filipino competence and talent. That genius and gift must be supported, not by exhortation alone but by true, tangible support,” ayon kay Pangulong Marcos.

Layon ng Tatak Pinoy na bigyang kapangyarihan ang mga domestic enterprise na maging mas globally competitive; tulungan silang gumawa ng mas sopistikadong mga produkto; at magbigay ng pambihirang, world-class na mga serbisyo.

Bukod pa sa palakasin ang partnership sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor patungo sa pagtataguyod ng kalakal ng Pilipinas at serbisyo.

Inaasahan naman ang mas maraming lokal na trabaho na maganda ang pasahod sa ilalim ng Tatak Pinoy Act.

Sa kabilang dako, nagbibigay naman ng insentibo ang Tatak Pinoy sa mga lokal na produkto na karapat-dapat na may nakalagay na

“Made in the Philippines” trademark, pagpapakita ng pagiging malikhain at kasanayan ng isang manggagawang filipino.

“It is about creating products and services of the highest quality, because Tatak Pinoy is also about excellence, and as a seal of great workmanship, it must only be applied to those that meet this high standard. As such, we shall give preference and priority to our products,” ayon sa Pangulo.

Pinagkalooban naman ng RA 11982 o Amendments to the Centenarians Act of 2016, ang octogenarians at nonagenarians ng monetary benefits.

Sa pamamagitan ng pinalawak na Centenarian Act, ang mga senior citizen na may edad na 80, 85, 90 at 95, maging ito man ay nakatira sa Pilipinas o sa ibang bansa ay makatatanggap ng P10,000 cash incentive sa bawat ‘age milestone’ at makatatanggap ng P100,000 kapag umabot na sa edad na 100 taong gulang.

Winika ng Punong Ehekutibo na ang pagpapalawig sa saklaw ng Centenarians Act ay isang pagpupugay sa katangian ng mga Filipino sa pagiging maawain at sa kultura ng Pilipinas, ipinapakita nito ang pagiging mas mabait at maawain sa mga matatanda.

“But they deserve more than cash in an envelope. What they should get is a support infrastructure that every society owes to its greying population. There were already close to 10 million seniors two years ago … But as this demographic enlarges, the societal facilities that attend to them should be expanded as well,” ayon kay Pangulong Marcos. Kris Jose

Previous articleMagna Carta of Seafarers binubusisi pa ni PBBM bago pirmahan
Next articleBagong Pilipinas Serbisyo Fair, umarangkada sa Sultan Kudarat