MANILA, Philippines – Pormal nang inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Kabalikat sa Pagtuturo Act o Senate Bill No. 1964 na magbibigay ng taunang teaching supplies sa lahat ng public school teacher sa buong bansa, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
Sa pahayag, binigyang diin ni Gatchalian na napapanahon na gawing pamantayan ang batas sa pamimigay ng teaching allowance sa lahat ng public school teachers.
Nakasaad sa panukalang batas ang pagkakaloob ng teaching allowance na maaaring gastusin para sa kagamitan na kailangan sa pagtuturo, kabilang ang bayad sa iba pang mga incidental expenses, at ang pagpapatupad ng iba’t ibang paraan ng pagtuturo na kinikilala ng Department of Education.
Para sa School Year 2023-2024, isinusulong ang teaching supplies allowance sa halagang P7,500 kada guro. Tataas sa halagang P10,000 ang naturang allowance simula SY 2024-2025.
Paliwanag ni Gatchalian, pumasa na sa Senado ang kaparehong mga panukala noong 17th and 18th Congress.
Kaya naman dapat maging prayoridad ngayong 19th Congress ang pagsasabatas ng naturang panukala.
Ayon pa kay Gatchalian, bagama’t napopondohan naman ng Kongreso ang pagkakaloob ng teaching supplies allowance sa ilalim ng national budget, matitiyak ng batas na matatanggap ng mga guro taon-taon ang naturang allowance.
Dismayado ang senador dahil madalas na nag-aabono pa ang mga guro para makabili sila ng mga kagamitan sa pagtuturo. Lumala pa, ani Gatchalian, ang problemang ito noong tumama ang pandemya ng COVID-19 at nagpatupad ang mga paaralan ng distance learning.
Dahil inaasahan din ang pagpapatupad ng blended learning sa kabila ng pinangangambahang El Niño at mga banta ng sama ng panahon, makakatulong din sa mga guro ang teaching supplies allowance upang matiyak ang tuloy-tuloy na edukasyon.
“Napapanahon na para isabatas natin ang pagkakaroon ng cash allowance sa ating mga guro. Mahalagang ipaabot natin sa kanila ang lahat ng maaaring tulong lalo na’t sila ang susi sa patuloy na edukasyon ng ating mga kabataan,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education. Ernie Reyes