Home NATIONWIDE Bato sa people’s initiative: Para kaming iniisahan

Bato sa people’s initiative: Para kaming iniisahan

MANILA, Philippines – Hindi man direktang tinukoy, tila pinararatangan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa si House Speaker Martin Romualdez na niloloko nito ang Senado sa pagsusulong ng people’s initiative nang walang alam ang Mataas na Kapulungan.

Sa pahayag, sinabi ni Dela Rosa na ramdam na ramdam ng Senado na niloloko sila sa pagsusulong ng charter change sa pamamagitan ng people’s initiative dahil wala silang kaalam-alam sa nagaganap.

“Right from the start, parang kasi feeling namin para kaming iniisahan. Yung paggawa pa lang nila ng people’s initiative na ginawa nila during the break, Christmas vacation na nagulantang na lang tayo,” ayon kay Dela Rosa.

Inamin ng People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) na sila ang nagsimula ng peoples’ initiative.

Ipinanukala ng petisyon na baguhin ang probisyon sa 1987 Constitution upang magkasanib na bomoto ang Mababang Kapulungan at Senado sa halip na magkahiwalay sa pag-amyenda sa Saligang Batas.

Ayon kay PIRMA lead convenor Noel Oñate na nakipag-usap umano siya kay House Speaker Martin Romualdez hinggil sa peoples initiative at nakipag-koordinasyon sa ilang kongresista at sinusuportahan ng publiko ang kanilang kampanya.

Nitong Lunes, ipinalabas ng Senado ang isang manipesto na kumokondena sa pagsusulong ng peoples’ initiative na hinihinalang pinangunahan ni Romualdez sa pamamagitan ng “order” sa kasapi ng Mababang Kapulungan.

Binalaan ng Senado sa manipesto ang Mababang Kapulungan laban sa anumang pagkilos na baguhin ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng pagsasamantala sa prosesong demokratiko sa likod ng people’s initiative.

Ayon kay Dela Rosa, dapat ipinagbigay-alam ng Mababang Kapulungan sa Senado ang naturang pagkilos.

“Para bang there is treachery in that effort, in that move dahil unang-una makita mo talaga na mayroong bad faith yung wordings pa lang ng kanilang gustong i-amend sa Constitution yung section 1 of Article 3 that Congress will be voting jointly ay very clear na yan na right from the very start may intention talaga sila na i-neutralize kami,” aniya.

Aniya, kapag pinayagan ang naturang pagkilos, ikinokonsidera nang nagkaroon ng pagbabago sa Constitution sa pamamagitan ng pagbabago mula sa bicameral tungo sa unicameral legislature.

“The upper chamber is preparing all available options for them just to make sure their power to vote separately will not be surrendered,” ani Dela Rosa.

Iginiit pa ng senador na nagkaroon ng isyu ng pagtitiwala sa bawat isang kapulungan ng Kongreso na maaaring maibalik sa normal kapag naayos ang naturang sigalot. Ernie Reyes

Previous articleDILG susunod sa utos ni PBBM sa ICC probe
Next articlePagbabalik sa dating school calendar, suportado ni Gatchalian