Home NATIONWIDE Bato sa publiko: Pagbalewala ng Tsina sa diplomatic protest ipagdasal

Bato sa publiko: Pagbalewala ng Tsina sa diplomatic protest ipagdasal

MANILA, Philippines- Kailangan na ang “divine intervention” sa pagtatanggol ng ating soberenya sa West Philippine Sea (WPS) dahil patuloy na binabalewala ng China ang diplomatic protest laban sa panghihimasok at pambu-bully nito sa teritoryo ng Pilipians.

Reaksyon ito ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na naging pulitiko, matapos malaman ang ilegal na pagdagsa ng barko ng China sa Julian Felipe Reef.

“Magdasal tayo kay Lord. Magdasal tayo na wag tayong pabayaan ni Lord. Yun na lang,” ayon kay Dela Rosa sa isang panayam.

“Wala na ‘yang diplomatic protests na ‘yan hindi naman nakikinig ‘yung mga Chinese na ‘yan,” giit niya.

Sinabi ni Dela Rosa na hindi maaaring simulan ng Pilipinas ang giyera laban sa China sa gitna ng patuloy na panghihimasok nito sa WPS.

“Ang hirap no? Ang hirap talaga. Hindi naman tayo pwede makipag giyera. So lahat ng diplomatic protest natin fell into deaf ears. Wala, hindi nila pinapakinggan,” aniya.

Naunang hinimok ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang Philippine government na kumilos hindi lamang sa pagsasampa ng diplomatic protests habang patuloy na binabalewala ng China ang apela ng Pilipinas.

Niton nakaraang linggo, iniulat ng Philippine Coast Guard na mahigit 135 barko ng Chinese Maritime Militia ang namataan sa Julian Felipe Reef.

Nasa 75 nautical miles ang Julian Felipe reef sa kanluran ng Bataraza, Palawan, ayon sa PCG. Ikinokonsidera itong low tide elevation sa Kalayaan Island Group, na pag-aaari ng Pilipinas.

Noong Agosto, pinagtibay ng Senado ang isang resolusyon na nagkokondena sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea kabilang ang patuloy na harassment nito sa Filipino fishermen.

Hinikayat ng panukala ang gobyerno ng Pilipinas na kumilos upang igiit ang karapatang pang-soberenya sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Tinalakay din ng Senado ang isang hiwalay na resolusyon na inihain ni Hontiveros na humihiling sa Department of Foreign Affairs (DFA) na idulog ang panghihimasok ng China sa West Philippine Sea (WPS) sa United Nations General Assembly (UNGA). Ernie Reyes

Previous article1,611 pasado sa December 2023 physical, occupational therapist board exams
Next articlePagkakaloob ng amnestiya mahalagang bahagi ng peace process – Galvez