Home OPINION BAWAS SALITA …

BAWAS SALITA …

SIMULA nang bumalik mula sa pagdalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation Summit sa San Francisco, kapiranggot lang, kung mayroon man, ang nabanggit ni Pangulong Bongbong Marcos tungkol sa pakikipagpulong niya kay Chinese President Xi Jinping. Inaasahang nailatag ang usapin sa umiigting na tensiyon sa West Philippine Sea, kabilang ang banggaan ng mga barko at ang kaawa-awang kalagayan ng mga Pilipinong mangingisda, ‘di ba? Marapat lang na napag-usapan nang masinsinan lahat ito, pero nakabibingi ang pananahimik ni Pangulong Marcos  tungkol sa ganito kaimportanteng dayalogo.

Parehong ipinagdiinan ng dalawang pinuno ang work-in-progress approach sa lumalalang tensiyon sa South China Sea, na napakalapit sa mga isla ng Pilipinas, kaya nakapagtataka talaga kung bakit kaunti lang ang nababanggit tungkol sa importanteng paghaharap na ito.

Nabasa ko sa balita na ipinagdiinan daw ni Marcos ang matapang na pagpapatayo ng China ng mga base militar at pag-istasyon ng mga tauhan nito sa West Philippine Sea – isang bahagi ng South China Sea na saklaw ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Pero ang mga delikadong pagkubkob sa teritoryo ng Pilipinas ay isang malalang sitwasyon na tinalakay lang ng Pangulo  sa isang usapang pangseguridad sa Hawaii.

Ang China, na itinuturing ang sarili bilang higante, mayaman, at makapangyarihan, ay marapat lang na magbigay ng sagot sa Maynila, o kahit pa nga humingi ng tawad. Ang kalkuladong pagkilos ng People’s Liberation Army, ang pagtatayo ng mga base sa distansiyang 60 nautical miles lamang mula sa baybayin ng Pilipinas, ay mga lantarang paglabag sa soberanya ng ating bansa. Ibig sabihin, sa laki ng impluwensiya ni President Xi na nakaaabot hanggang sa kabilang karagatan, mistulang duwag naman siya sa pananahimik kapag iginiit sa kanya na panagutan ang kanyang mga ginawa?

Ngayon, aligaga ang Pilipinas na magpalakas ng mga alyansa, partikular sa militar ng Amerika. Walang ibang dapat sisihin kundi ang patuloy na panggigipit ng China, pagtangging kilalanin ang mga pandaigdigang pagpapasya, at pagsasagawa ng mga nakakaagrabyadong taktika laban sa mga barko at bangka ng Pilipinas.

… hatawin sa gawa

 Nitong Martes, ang desperadong sitwasyong ito ay nagbunsod sa maritime at air patrols ng nagsanib-puwersang militar ng Pilipinas at Amerika sa South China Sea. Isinisimbolo nito ang matapang na tugon ng mga Pilipino sa pagiging agresibo ng China.

“Significant initiative” ang paglalarawan dito ni PBBM, isang solidong hakbangin sa harap ng lumalalang tensiyon. Ang mga pagpapatrulya, na estratehikong nakapuwesto malapit sa Taiwan, sa Mavulis Island ng Batanes – ang lalawigan sa kadulu-duluhan ng hilagang parte ng bansa — ay nagpapakita ng desididong pagbabago sa geopolitical landscape.

Sa gitna ng pambabalewala ng China sa ating mga protesta at pananawagan laban sa mga dapat managot, pinag-ibayo naman ng Pilipinas ang ugnayan nito sa isang makapangyarihang kaalyado. Malinaw ang mensaheng ipinararating ng mga pagpapatrulyang ito: mas may bigat ang aktuwal na pagkilos kaysa diplomatikong batian. Ang pagbabanta ng China laban sa mga pagtutulungang tulad nito ay sumasalamin sa pagkabahala nito, pero ang pinuno ng Pilipinas, hindi gaya ni President Xi, ay hindi nagpapasindak.

Habang nahaharap ang bansa sa pag-aalala sa umiigting na tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China, ang mga sanib-puwersang pagpapatrulyang ito ay sumisimbolo sa matatag na pangakong magtutulungan sa pagbibigay-proteksiyon sa ating soberanya. Kasama ang Amerika, naninindigan ang Pilipinas sa pagpalag nito sa pangingialam ng China sa mga teritoryo ng ibang mga bansa, mapipilitan ang mundo na pag-isipan ang kahihinatnan kapag ang isang desperadong sitwasyon ay tinugunan ng isang determinadong solusyon.

*        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

 

Previous articleMALAWAKANG UMENTO SA PHILHEALTH BENEFITS, SISIMULAN SA 2024
Next articleSECURITY RISK MANAGEMENT PLAN VS BIYAHENG LANGIT