MANILA, Philippines – HINIMOK ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak upang maprotektahan sila sa mga sakit na maiiwasan sa bakuna, tulad ng tigdas, rubella, at polio.
Noong Mayo 2, idinaos ng Quezon City Health Department ang city-wide implementasyon ng Chikiting Ligtas vaccination program ng Department of Health (DOH) sa Barangay Bahay Toro.
Upang higit pang palakasin ang aktibidad ng pagbabakuna, ang mga health worker ay madiskarteng nagtayo ng mga pansamantalang pwesto ng pagbabakuna sa mga pamilihan at mga covered court.
Kaugnay nito, nagsasagawa rin sila ng house-to-house inoculation activities para sa mga bata sa pinakamalayong sulok ng mga komunidad.
“Bakuna ang pinakamabisa at pinakamatipid na paraan para maprotektahan ang ating mga anak. Kaya bawat eskinita at kalye sa ating lungsod ay sinusuyod ng ating mga health worker para masiguro na bawat bata ay bakunado at protektado mula sa mga vaccine-preventable diseases,” ani Mayor Joy Belmonte.
Nilalayon ng lungsod na mabakunahan ng bakuna laban sa tigdas ang 230,347 bata na may edad na limang taon pababa (0 hanggang 59 buwan), at 270,977 bata (0 hanggang 59 na buwan) ng oral polio vaccine ngayong buwan.
Samantala, hinihikayat din ang mga magulang na dalhin ang kanilang mga anak sa pinakamalapit na health center para makakuha ng libreng bakuna.
“Kahit matatapos na itong Chikiting Ligtas vaccination activity ngayong Mayo, hindi titigil ang lokal na pamahalaan para bakunahan at protektahan ang ating mga anak mula sa mga sakit na pwede namang maiwasan sa tulong ng mga bakuna,” idinagdag pa ni Mayor Belmonte. Santi Celario