MANILA, Philippines – Ipinanatili ng Bangko Sentral ng Pilipinas nitong Huwebes, Mayo 18, ang benchmark interest rate sa kasalukuyang lebel na 6.25 percent makaraang bumagal din ang inflation sa ikatlong sunod na buwan.
Ito ang inanunsyo ni BSP Governor Felipe Medalla matapos ang Monetary Policy meeting ng BSP.
Ang inflation ay bumagal sa ikatlong sunod na buwan, kung saan nasa 6.6 percent ito noong Abril, 7.6 percent noong Marso at 8.6 percent noong Pebrero.
Sa kabila nito, mataas pa rin sa 2 hanggang 4 percent range ng pamahalaan ang kasalukuyang inflation rate.
Samantala, ibinaba naman ng BSP ang inflation forecast nito sa 5.5 percent mula sa 6.1 percent para sa 2023 at 2.8 percent mula sa 3.1 percent sa 2024.
Ani Medalla, inaasahang bababa pa ang inflation sa nalalabing bahagi ng taon. RNT/JGC