MANILA, Philippines- Tutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga benepisaryo ng food stamps program ng pamahalaan na makahanap ng trabaho sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI).
Maliban sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), sinabi ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez na dadalian din nila ang enrollment ng mga benepisaryo sa job-generating programs ng DA at DTI upang sa gayon ay kagyat na makakuha ng kinakailangang kasanayan para mapabuti ang kanilang buhay.
“Ang ating mga kababayan, hihingan rin natin ng compliance. May tinatanggap kayo na meron kayong food stamps program, pero ang hinihingi namin sa inyo ay ‘yung job network services or ‘yung employment promotion activities,” ayon kay Lopez.
“Mage-enroll kayo sa mga programa nila nang sa ganon ay ma-empower namin kayo. Binibigyan rin namin kayo ng skills para sa ganon matuto kayo sa paghahayupan, pagsasaka,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, ipinaliwanag naman ni DSWD Undersecretary Eduardo Punay na ang nasabing requirement ay naglalayon na tapusin na ang “culture of dependency” ng mga filipino sa financial assistance lalo na kung galing sa pamahalaan.
Sa pagtataya ng DSWD, may P40-billion budget requirement para sa food stamps program ang gagamitin para i-cover ang P3,000 kada month allowance ng target na isang milyong mahirap na pamilya.
Ang mga benepisaryo ay bibigyan ng “electronic benefit transfer cards” kung saan kakargahan ng food credits para makabili sa select list ng food commodities mula sa DSWD-registered o accredited local retailers.
Tinuran pa ni Lopez na ang pilot run ng food stamps program ay magsisimula sa Hulyo sa National Capital Region, CARAGA, MIMAROPA, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
“Ito ay inaasahan natin by next month po ay ipapatupad natin ang ating tinatawag na pilot implementation nito. Ang target talaga natin dito ay poorest of the poor natin,” aniya pa rin. Kris Jose