PARANG gusto kong maniwala sa tsismis na hindi nagagampanan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang expectation ng mahigit 31 million voters na sumuporta sa kanya para marating ang Malacañang.
Bakit kanyo? Aba’y ang mga inihayag na gagawin at mga problemang ipinangakong tutuldukan ay hindi naisasakatuparan, bagkus ay lalong naging garapal ang katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Kung sabagay, wala tayong maipipintas sa pagharap ni Apo Bongbong sa kanyang trabaho maliban lang siguro sa “malambot” na pagtrato sa mga itinalagang opisyales na abot impiyerno kung umabuso.
Ang kaliwa’t kanang imbestigasyon sa Senado ay patunay na maraming nakaupong opisyal at kaibigan ng Marcos government ang mapang-abuso pero unahin nating gawing halimbawa si “Gen Abo Gago”.
Si Gen. Abo Gago ay ‘hot topic’ ngayon sa Camp Crame at sa illegal gambling circle dahil sa pagpasok nito sa magulo subali’t profitable na small town lottery con lotteng business.
Paano nagsimula ang iligal na negosyo? Siya ay tinulungan ng isang top official ng isang ahensiya upang makakuha ng mga prangkisa ng STL (hindi lang isa) na ginagamit na prente ng kanyang lotteng operation.
Sa kasalukuyan, si Abo Gago na inaalalayan at protektado umano ng isang Malacañang official ay may malawakang lotteng operation sa iba’t ibang bayan ng Batangas, bukod pa sa lotteng business nito sa Malabon.
Ang dating military official, ang top official ng isang ahensya at ang protector na taga-Palasyo na nagbigay ng sandamakmak na STL franchise ay halimbawa nang mapang-abusong kaibigan at opisyales ng kasalukuyang pamahalaan.
Sa Malabon, kawawa ang mga mananaya nang mapanlinlang at madayang STL con lotteng ni Abo Gago’ dahil hindi naman talaga STL kundi front lang ito nang iligal na sugal na lotteng.
Imbes na sa sariling tambiolo ng STL binobola ang 1 to 40 number combinations, ang ginagawa sa pa-lotteng ni Abo Gago ay sa 2D o bolang 1 to 31 numbers ng Philippine Charity Sweepstakes Office national lotto kinukuha ang winning 2-digit combination na tuwirang pagsalungat sa itinakdang alituntunin ng PCSO sa pagpapatupad ng STL sa mga LGU.
Kaya naman kawawa ang betting public sa negosyong lotteng ni Abo Gago dahil maliit lang ang tsansa nilang manalo kaya parang hinoholdap ang perang kanilang itinataya.
Kung matikas lang sana sa panuntunan ang Pangulo, hindi magkakaroon ng tulad ni Abo Gago na nananamantala sa pamahalaan.