Home METRO BFP: Kaingin ihinto na kontra forest fire

BFP: Kaingin ihinto na kontra forest fire

TUBA, BENGUET- Dahil sa apat na forest fires na naganap sa Tuba, Benguet nitong Pebrero, hinikayat ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga residente na itigil na ang slash-and-burn farming o kaingin, upang maiwasan ang ganitong uri ng insidente.

Binigyang-diin ni Tuba Deputy Fire Marshal SFO3 Jerry Sanoy nitong Biyernes ang mga hamon na kinahaharap ng kanilang mga tauhan sa pag-apula sa sunog sa bulubunduking lugar.

“Humihingi kami ng tulong na pagsabihin ang mga relatives na mostly farmers na iwasan ang pagsusunog ng grass sa mga farm. Mahirap. Hindi makapunta ang fire truck sa bundok,” panawagan ng opisyal.

Batay sa mga video mula sa BFP-Tuba, makikitang mano-manong pinapatay ng mga bumbero ang forest fire sa pamamagitan ng “swatting” at paggamit ng lupa upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng apoy.

“Kailangan ng maraming energy kasi yung terrain nga matarik. Inclination ng bundok is 85 degrees. Yung condition ay malamig at maaraw kaya nagco-contribute ito sa physical condition. Sasakit ang ulo mo.”

Tumataas ang posibilidad ng forest fires dahil sa umiiral na malakas na El Niño.

Hindi pa idinedeklara ng state weather bureau PAGASA ang pagsisimula ng tag-init.

“Itong municipality of Tuba, malawak ang forested area. Mostly mountainous, makapal ang grass. Ngayon we are experiencing El Niño kaya dry ang grass which is prone to catch fire.”

Samantala, gumagamit naman ang BFP personnel sa munisipalidad ng Itogon ng fire trucks sa pag-apula sa apoy sa kaparehong bulubunduking lugar.

Nananatili namang casualty-free ang Cordillera Administrative Region sa kabila ng pagkakatala ng mahigit 60 insidente ng forest fire mula nang pumasok ang taon.

Hindi pa naglalabas ng datos angDepartment of Environment and Natural Resources ukol sa pinsala ng nasabing mga pagliyab.

Kabilang ang forest fires sa mga epekto ng extreme weather dulot ng climate change. RNT/SA

Previous article6 kawatan sa pawnshop sa Koronadal tinutunton na ng PNP
Next articleJoint patrols sa WPS paiigtingin – AFP