MANILA, Philippines – Nagpadala na ang Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga tauhan sa Emergency Medical Services (EMS) nito sa nasa 66 sementeryo sa Metro Manila bilang bahagi ng paghahanda ng pamahalaan sa Undas.
Ayon kay BFP – National Capital Region Assistant Director, Senior Supt. Rodrigo Reyes, ang deployment at shifting schedule ng nasa 1,000 BFP personnel ay tatagal hanggang Nobyembre 2 na naka-ayon sa direktiba ni BFP Regional Director Fire Chief Superintendent Nahum Tarroza.
“Mayroon po tayong mga EMS po sa bawat sementeryo ngayon na in case may nahilo o may na-high blood, mayroon po tayong agad na personnel po sa 66 identified cemeteries,” sinabi ni Reyes sa weekly forum sa Quezon City.
“Shifting po kami ‘no. So 1,000 isang araw, 1,000 sa isang araw. Actually, wala po kaming break, wala po kaming bakasyon.”
Lumikha rin umano ang ahensya ng Emergency Operation Center sa Barangay Pinagkasihan, Makati City.
“Naka-deploy po ito, sir, 24/7 po, along the road. Naka-station po sila in case na may mga vehicular incident, madali po silang matatakbuhan ng atin pong motorcycle ambulance,” ani Reyes.
Siniguro naman ng opisyal sa publiko na ang mga BFP personnel na ito ay “highly trained” at ang iba ay registered nurses pa maliban sa pagdalo ng mga ito sa serye ng basic rescue training. RNT/JGC