MANILA, Philippines – Binuwag ng Department of Justice (DOJ)ang dibisyon sa Bureau of Immigration’s (BI) na nasangkot sa kontrobersyal na “pastillas” scam.
Ito ang inihayag ni Senador Sonny Angara sa isinagawang deliberasyon sa Senado kaugnay sa P35.455 proposed budget ng DOJ para sa 2024.
Una nang humingi si Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ng update sa repormang ipinangako ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa mga ahensyang nasa ilalim nito gaya ng Bureau of Corrections, Land Registration Authority, at ang BI.
Ayon kay Angara deactivated na ang Port Operations Division ng BI na responsable sa bribery scheme.
Pebrero ng inanunsyo ni Remulla na lalagda ito ng kautusan na magtatangal sa Port Operations Division bunsod ng mga kontrobersiya na kinakaharap sa immigration process ng bansa.
Una nang ibinunyag noong 2020 ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang “pastillas” scam kung saan maluwag na nakakapasok sa Pilipinas ang mga Chinese national na nagbibigay ng P10,000 na nakabalot sa bond paper at iaabot sa mga tiwaling BI personnel.
Smaantala, sinabi ni Angara na prioridad din ni Remulla ang decongestion sa mga jail facilities at nagpapalaya ng mga kwalipikadong inmates kada buwan.
Kumikilos rin aniya ang DOJ para sa computerization at digitization ng LRA upang maging mabilis at maayos ang transaksyon ng publiko. Teresa Tavares