Home NATIONWIDE BI kinastigo ni Poe sa pagbibigay ng work visa sa fake firms:...

BI kinastigo ni Poe sa pagbibigay ng work visa sa fake firms: Banta sa seguridad

MANILA, Philippines – Matinding kinastigo ni Senador Grace Poe ang Bureau of Immigration (BI) sa pagbibigay ng working visa sa libu-libong dayuhan tulad ng Chinese nationals gamit ang pekeng kompanya na pawang banta sa pambansang seguridad at peace and order.

Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na nakakaalarma at banta sa seguridad ng bansa ang nabulgar na pagbibigay ng   employment visas sa dayuhan na gamit ang daang fake firms.

Ayon kay Poe,  dapat iimbestigahan ng Department of Justice ang naturang illegal scheme na tulad ng Pastillas scam, at parusahan ang sinumang tauhan at opisyal ng immigration na sangkot sa anomalya.

“Ating nasaksihankung paano magpatuloy ang krimen na may kaugnayan sa POGO na nagbibigay ng problema sa ating kapayapaan at kaayusan,” ayon kay Poe.

 Aniya, hindi masasawata ang ganitong kasuklam-suklam na aktibidad kung hahayaan ng mga tauhan mula sa Bureau of immigration na patuloy na bubusan ang ating pintuan sa illegal na dayuhan.

Kamakailan,      ibinulgar ni Senador Risa Hontiveros na  libu-libong dayuhan na posibleng miyembro ng crime syndicate sa iba’t-ibang bansa tulad ng China ang nakapasok sa Pilipinas gamit ang work visa na inisyu ng Bureau of Immigration (BI) sa pekeng kompanya.

“This is a national security risk. Hindi natin alam baka mga sindikato at kriminal na ang mga nakapasok sa bansa. We also have information that these work visas are what foreign nationals use to work for Philippine Offshore Gaming Operators. Sisiyasatin namin ito sa susunod na hearing,” ani Hontiveros.

“I do welcome the Department of Justice (DOJ) directive that orders the BI to stop granting work visas requested by fake companies. Isang mahalagang hakbang ito para matigil ang mga kababalaghan sa ahensya,” dagdag pa ng senadora.

Ayon sa DOJ, nagbigay ang BI ng libu-libong pre-arranged employment visa, na tinatawag na 9G, sa   dayuhan na   nagtatrabaho sa mga pekeng lokal na korporasyon.

Ani Hontiveros, na nanguna sa serye ng mga pagdinig sa korapsyon sa BI na kilala sa tawag na “Pastillas Scam,” na dapat pag-igtingin pa ng ahensya ang paglilinis sa hanay nito.

“Mag-aapat na taon na mula noong unang naisiwalat ang pastillas scam sa BI. Why does it seem like nothing has changed? Kailan pa ba tuluyang maaayos ang BI? Ilang Senate hearings pa ang kailangan? It is disappointing that the agency is front and center of this issue once again,” pagtatapos ni Hontiveros.  Ernie Reyes

Previous articleLupang sakahan, katutubo ‘di dapat ibenta sa dayuhan sa Cha-cha –  solon
Next articleTsino swak sa baril sa P’que