MANILA, Philippines- Pinaghahandaan na ng Bureau of Immigration (BI) ang pagdami ng mga pasahero para sa darating na holiday kung saan kabilang dito ang darating na barangay at Sangguniang Kabataan election at Undas.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang Oktubre 28 hanggang Nobyembre 5 ay magiging isang “very long weekend” dahil gaganapin ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Lunes, Oktubre 30, habang ang ‘All Saints Day’ at ‘All Souls Day’ ay sa Nobyembre 1 at 2, na tatapat sa Miyerkules at Huwebes.
Idineklara ang Oktubre 30 bilang isang “special non-working day” sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 359. Ang Nobyembre 1 at 2 ay mga espesyal ding araw na walang pasok.
“Magpapadala na ako ng augmentation sa airport. Simula October 25 to November 5, wala munang mga vacation leave,” ani Tansingco.
“Parehas nung ginawa natin sa Holy Week, ‘yung mga gustong mag-duty sa airport na nasa main office, papa-duty-hin natin sa airport, tapos augmentation,” dagdag pa ng opisyal.
Sinabi din ni Tansingco na hindi rin papayagang mag-leave ang mga empleyado ng BI mula Nobyembre 15, 2023 hanggang Enero 15, 2024 para naman sa panahon ng Pasko.
“Ginagawa na natin ito taon-taon. We are expecting ngayong fourth quarter, four million arrivals in our airports,” giit ni Tansingco. JAY Reyes