Home NATIONWIDE BI officer sa ‘Pastillas Scam’ pinagmulta lang ng P5,000

BI officer sa ‘Pastillas Scam’ pinagmulta lang ng P5,000

MANILA, Philippines – PINAGMULTA na lamang ng P5,000 ng anti-graft court ang isang dating Immigration officer na idinadawit sa “Pastillas scam” makaraang umamin ito sa pagkakasangkot sa nasabing iligal na gawain upang mapababa ang kakaharapin na parusa.

Batay sa desisyong ipinahayag noong Setyembre 21, inutusan ng Sandiganbayan Seventh Division si Asliyah Alonto Maruhom na magbayad ng multa na P5,000 matapos umano nitong umamin sa paglabag sa section 7(d) ng Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Si Maruhom ay isa sa 49 na opisyal ng Immigration at isang pribadong indibidwal na kinasuhan sa Sandiganbayan ng paglabag sa section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) dahil sa tinaguriang “Pastillas scam” kung saan 143 karamihan ay mga dayuhang Chinese ang pumasok sa Pilipinas bilang mga turista at kalaunan ay nagtrabaho para sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hubs, na bawat isa ay nagbabayad ng mga tauhan ng Immigration ng humigit-kumulang P10,000.

Ang krimen ay magkakaroon ng parusang pagkakakulong sa pagitan ng 6 na taon at 1 buwan hanggang 15 taon bukod pa sa permanenteng diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong tungkulin at pag-forfeit ng prohibited interest o unexplained wealth.

Tatlumpu’t lima sa 50 kinasuhan ang umamin na hindi nagkasala sa arraignment noong Setyembre ng nakaraang taon, kabilang si Maruhom.

Ngunit si Maruhom, na unang naghangad na pawalang-bisa ang kasong kriminal laban sa kanya, ay binawi ang kanyang not guilty plea at umamin ng guilty sa paglabag sa RA 6713.

Sinabi naman ng anti-graft court na pinahintulutan ng Office of the Ombudsman ang Office of the Special Prosecutor na pumasok sa isang plea-bargaining agreement.

Sa halip na 5-taong pagkakakulong, itinuring ng anti-graft court ang pagbabago ng plea ni Maruhom bago ang pagpapakita ng ebidensya bilang isang mitigating circumstance at ipinataw lamang ang multang P5,000.

Iniutos din ng Sandiganbayan na ilabas ang kanyang cash bond at ang pagtanggal ng hold departure order laban sa kanya.

Ang desisyon ay isinulat ni Sandiganbayan Associate Justice Zaldy Trespeses at sinang-ayunan nina Associate Justice Georgina Hidalgo at Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang. Jay Reyes

Previous articleMagna Carta for Seafarers, sinertipikahan ‘urgent’ ni PBBM
Next article4-7 bagyo babayo sa Pinas bago 2024; pero epekto ng El Niño ibinabala