Home NATIONWIDE BI: Walang karagdagang travel documents sa ilalim ng revised guidelines

BI: Walang karagdagang travel documents sa ilalim ng revised guidelines

MANILA, Philippines- Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI) sa mga regular na turista na hindi na ito mangangailangan ng karagdagang travel documents sa kabila ng pinaigting na kampanya laban sa human trafficking.

Sa ginanap na Laging Handa public briefing, sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval na tututukan lamang ng immigration officers ang layunin ng paglalakbay ng mga pasahero upang salain ang  inconsistencies.

Ginawa ni Sandoval ang pahayag matapos ianunsyo ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang binagong guidelines para sa mga papaalis na Pilipino, na nakatakdang ipatupad sa Setyembre 3.

“In essence, it’s really more of streamlining the requirements for departing Filipinos and para malinaw din sa ating mga kababayan kung ano po ‘yung kinakailangan for each category ng mga umaalis po sa ating bansa,” ani Sandoval.

Ayon pa kay Sandoval, ang bureau ay hindi nangangailangan ng mga hindi kinakailangang dokumento tulad ng mga diploma, sertipiko at togas.

“Ang tinitingnan talaga natin is the purpose of travel. If the purpose of travel is in connection sa dokumento na pinapakita nila, wala pong problema. Even for first-time travelers, hindi po necessary na mas mahigpit tayo,” ayon pa sa tagapagsalita.

Aniya, ang mga pangunahing kinakailangan sa imigrasyon para sa mga manlalakbay ay identification card, pasaporte, kumpirmadong round-trip ticket at visa kung naaangkop, kasama ng patunay ng kapasidad ng pera, at/o lokal na trabaho bilang mga mapagkukunan upang mapanatili ang kanilang paglalakbay sa ibang bansa.

“Ang tinitingnan po nung ating mga immigration officers is ‘yung ties niya sa Pilipinas… and if legitimate ‘yung kanyang travel by looking at the purpose of travel, also the financial capacity of the person,” ani Sandoval.

Samantala, ang binagong mga alituntunin ng IACAT ay nagpapahiwatig ng pangangailangan na makakuha ng isang affidavit of support at guarantee na notarized ng Philippine consulate para sa mga paglalakbay sa ibang bansa na inisponsoran ng mga kamag-anak o hindi kamag-anak; clearance mula sa Department of Migrant Workers para sa mga first-time OFWs (overseas Filipino workers); at isang travel clearance certificate mula sa Department of Social Welfare and Development para sa mga menor de edad na bumibiyahe nang walang kasamang magulang.

Nanawagan din ang BI sa mga naghahangad na maging OFW na huwag i-entertain ang mga sindikato ng trafficking, na inatasan silang magpanggap bilang mga turista, at mauwi lamang sa mga abusadong pagtatrabaho sa ibang bansa.

“It’s not just the prostitution ring, it’s also ‘yung mga (the) pseudo-call centers, mga crypto scams and other illegal work po. Araw-araw po natin itong nakikita sa ating mga paliparan,” ani Sandoval.

Nagbabala din si Sandoval sa mga iligal na recruiter na itigil ang kanilang mga pakana, bunsod na rin ng pinaigting na kampanya ng interagency laban sa human trafficking.

Aniya, wala umanong piyansa ang nasabing iligal na gawain kung saan maaaring makulong ng hanggang 40 taon.

Sa ilalim aniya ng Anti-Trafficking in Persons Act, ang isang trafficker ay mahaharap sa habambuhay na pagkakakulong na may multang hindi bababa sa P2 milyon at hindi hihigit sa P5 milyon. JAY Reyes

Previous articleDepEd sinita ng COA sa low spending para sa mga kagamitan sa pag-aaral
Next articleANG MAPANG-ASAR