MANILA, Philippines- Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes na maghahain ito ng kaso laban sa alkalde sa Bicol region na umano’y nagbanta sa mga miyembro ng electoral board na pipigilan ang proklamasyon ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) winners.
“Huwag daw muna mag-proclaim (nung Monday), so inatasan namin ang (Comelec) regional director that Barangay Board of Canvassers should proclaim today (Tuesday),” pahayag ni Comelec Chairman George Garcia nitong Martes.
Ayon sa pinakabagong datos ng Comelec, kailangang mabilang ang 1.8% ng mga boto habang 2.3% ng BSKE winners ang hindi pa naipoproklama.
Idinagdag ni Garcia na ang tanging rason na nakikita ng poll body sa likod ng pag-antala ng alkalde ay ang pagkatalo ng ineendorso niya sa eleksyon.
Iginiit pa ni Garcia na ang mga magiging sanhi ng pagkaantala sa eleksyon ay maaarng maharap sa criminal at administrative charges. Kabilang dito ang mga guro at security personnel na umatras sa kanilang tungkulin sa eleksyon.
Sa Abra, 29 guro ang umurong bilang miyembro ng BSKE electoral board ilang araw bago ang halalan kamag-anak ng mga ito ang ilang kandidato.
Naantala rin ang eleksyon sa tatlong barangay sa Bayang, Lanao del Sur dahil huli nang dumating nag election paraphernalia sa mga presinto. RNT/SA