Home NATIONWIDE Bidding para sa bagong election machines binuksan na ng Comelec

Bidding para sa bagong election machines binuksan na ng Comelec

MANILA, Philippines- Opisyal nang binuksan ng Commission on Elections (Comelec) ang bidding para sa P18.827-billion lease contract para sa bagong automated election system para sa 2025 midterm polls, inihayag ni Comelec chairperson George Garcia nitong Martes.

Ayon kay Garcia, ang kanilang gagawing procurement para sa makinang gagamitin sa 2025 ay na-post na sa PHILGEPS (Philippine Government Electronic Procurement System).

Hinimok ng komisyon ang lahat ng suppliers sa buong bansa at mundo na makilahok sa procurement, sabi ni Garcia sa isang press conference.

Ang kopya ng Invitation to Bid para sa lease ng Full Automation System with Transparency Audit/Count (FASTrAC) para sa 2025 National and Local Elections ay nai-post din sa website ng Comelec.

Ayon kay Garcia, kasama sa procurement ang hardware, software, transmission at internet voting para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

Sa Automated BSKE, binanggit ng Comelec ang kahalagahan ng pagiging ganap na automated ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

“’Yan naman po ‘yung mandato rin ng batas. Talagang dapat automated election na po tayo sapagkat napakahirap po ng manual. Isipin niyo po yung bibilangin niyo, ‘yung kapitan, tapos ‘yung SK meron ka pang ibang plebisito,” ani Garcia.

Bukod dito, inuit ni Garcia ang mabilis na canvassing ng botante na magreresulta sa mas mababang karahasan na may kinalaman sa halalan.

Iminungkahi ang pag-automate sa BSKE sa Kongreso na nag-udyok sa Comelec na magsagawa ng pilot test sa tatlong polling sites sa Oktubre 30 na botohan.

Sa Barangay Zone II, Dasmariñas, Cavite na mayroong tatlong clustered precincts, iprinoklama ang mga nanalo nitong Lunes ng alas-5:43 ng hapon.

Alas-8:52 ng gabi naman naganap ang proklamasyon ng mga nanalo sa Barangay Paliparan III sa Dasmariñas, Cavite na mayroong 101 clustered precincts habang sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon City na mayroong 133 clustered precincts ay alas-9:32 ng gabi. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleRuru, pinagsabihan ni Ipe!
Next articleCentenarians na tumanggap ng P100K mula sa DSWD, 12K na