Home HOME BANNER STORY Bidding process sa P3M PAGCOR logo ipinabubusisi ni Poe

Bidding process sa P3M PAGCOR logo ipinabubusisi ni Poe

765
0

MANILA, Philippines – Nais ipabusisi ni Senador Grace Poe ang bidding process para sa bagong logo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), na aniya ay nakagastos ng “staggering amount” para rito.

Kasabay ng Kapihan sa Senado nitong Miyerkules, Hulyo 12, sinabi ni Poe na ang nagastos na P3 milyon para sa logo ay ginamit na lang sana sa iba pang mahalagang programa.

“Ganyan ba talaga kamahal para gumawa ng bagong logo? Di ba? Saan ba pwedeng mapunta ‘yung P3 million na ‘yon? It’s a staggering amount considering how much work was put into it,” anang senador.

“Although I believe in paying a premium for artists, in this case, ‘yung P3 million…usually painting na ‘yan na mahal kung kukuha tayo ng magaling na artist na mag-drawing niyan, ‘di ba?” pagpapatuloy niya.

Nadismaya rin si Poe sa bagong logo sa pagsasabing, “pwedeng parang gawin lang ‘yan sa computer e.”

“When it comes to government projects where there [are] limited resources and it can be allocated to other projects that are more important, e baka pwedeng magtipid-tipid tayo nang konti. So yung bidding lang gusto ko malaman,” aniya.

Matatandaang naglabas ang PAGCOR ng bagong logo kasabay ng selebrasyon nito ng ika-40 anibersaryo.

Ang event ay dinaluhan pa mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez.

Ayon sa notice of award na inilathala sa website ng PAGCOR, ang bagong logo design ay nagkakahalaga ng P3.035 milyon at iginawad sa Printplus Graphic Services.

Nang tanungin naman si Poe tungkol sa pagigign lehitimo ng kontraktor, wala naman umano itong nakikitang problema basta’t susunod ito sa procurement requirements ng pamahalaan.

“Okay din ‘yon, parang support small businesses…basta ‘yung papeles nila—nakarehistro ba sila sa SEC? Kung individual man sila, ‘yung kanilang mga tax declaration… may requirements yan e sa PhilGEPS [Philippine Government Electronic Procurement System],” ani Poe.

“Kung naka-comply naman sila, kahit na saan pa sila nakatira, basta may kakayanan sila. Pero ‘yung P3 million talaga e… For that? Para sa rights ng ganyan? Tatanungin ko kung may proper bidding ba ‘yan, kung paano nakakuha ng kontrata na ganon,” dagdag pa niya. RNT/JGC

Previous article285 dagdag-kaso ng COVID, naitala
Next articleMga linya sa mapa sa ‘Barbie’ movie, fictitious path lamang – DFA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here