Home OPINION BIGAS MAS GUSTO KAYSA PERA

BIGAS MAS GUSTO KAYSA PERA

ALAM ba ninyong napakarami pala ngayon ang higit na may gustong mabigyan ng bigas kaysa pera?

Nagkamulatan ang mga Pinoy sa halaga mismo ng bigas makaraang ipag-utos ni Pangulong Bongbong ang pagtitinda ng bigas sa halagang P41 kada kilo ng regular milled rice at P45 para sa well milled rice.

Sa mga kalsada na may mga namamalimos, gusto nilang “Kahit barya lang.”

Kapag binigyan mo ng P2, tatanungin ka nila ng, “P2 piso lang?”

Ang gusto pala nila, minimum ang P5 at may nagtatakda pa nga ng P20 na minimum dahil may barya raw na P20.

Tama ba sila?

Tama nga naman sila, hehehe!

Pero kapag binigyan mo sila ng isang kilong bigas, niyayakap nila ito.

At agad umaalis sa kalsada patungo sa kung saan sila nagsasaing ng bigas.

Dahil ba sa halagang P41 o P45 o P50 ang isang kilo at mas malaki keysa P2, P5 at P20 na barya?

Parang hindi.

Pagkain kasi ang bigas na kung maluto, nasasapinan ang sikmura at napapawi ang gutom, kahit idildil lang sa asin.

Ang iba nga, nilulugaw ang bigas na may isang kalderong sabaw at kapag binudburan ng asin, oks na.

Ang may edad na kumakain niyan, parang isang baby na lumalantak ng am.

Hapi na? Oo naman.

Sa hirap ba naman ng buhay ngayon.

GUMAGALA SA MGA BARANGAY

Magugulat ka rin kapag namasyal ka sa mga barangay sa kalunsuran at kanayunan at may mga gumagalang nanghihingi ng tulong at kitang-kita naman ang kahirapan sa kanilang katawan.

Kapag nag-abot ka ng isang kilong bigas, aba, gayundin ang tuwa na maaaninag sa kanilang mga mukha.

“May isasaing na ako para sa mga anak ko o sa mga kapatid ko,” ang iyong maririnig.

Makaraan lang ng isang oras o isang araw, may mga kumakatok na sa iyong pintuan para humingi ng bigas.

At hindi lang isa kundi dalawa o tatlo o apat kundi dose-dosena at hindi aalis hangga’t humarap ka sa kanila at magsabing meron pa o wala na.

In short, mga Bro, marami pala ang nagtitiis o nagugutom dahil sa napakamahal na bigas.

At nagkaroon ng tuwa ang mahihirap dahil sa pinababang presyo ng bigas sa mga palengke.

Kahit limitado ang nabibiling tig-P41 o P45, doon nagsisiksikan ang maraming bumibili para lang may panlaban sa gutom.

At siyempre pa, nagtitiis sa pila ang mga naghihintay ng libreng bigas na ipinamimigay ng gobyerno mula sa mga ismagel o kumpiskadong itinatagong bigas.

TAMANG PROGRAMA

Palakasin ang produksyon sa bigas sa mahal kong Pinas at labanan ang mga rice cartel.

Ito ngayon ang mga dapat gawin at sana magtagumpay ang pamahalaan ni Pang. Bongbong para rito dahil ito ang lumalabas na inaasahan ng higit na nakararaming Pinoy.

Ano naman ang maiaambag ng mga mamamayan sa produksyon ng bigas upang hindi tayo aasa sa mga ismagler, hoarder at iba pang magpasamantala na magkaroon tayo ng tuloy-tuloy na suplay at apordabol sa presyo na bigas?

Previous articleCoco, nabisto sa tula kay Julia!
Next articleKris, magbabalik na?