Home OPINION BIGAS SAPAT PERO MAHAL

BIGAS SAPAT PERO MAHAL

ITO ang lumalabas na kalagayan sa suplay at presyo ng bigas sa mga panahon ng El Niño na nagsimula na noon pang Oktubre 2023 at maaaring magtagal hanggang sa kalagitnaan ng taong 2023 o lagpas pa.

Ayon sa Bureau of Plant Industry, may 18,463 tonelada ang dumating sa Pinas nitong Enero 4, 2024.

Nanggaling ang mga bigas mula sa  Vietnam, Thailand at Pakistan.

Nasa 495,000 tonelada ang manggagaling sa India at Taiwan ngayong Enero rin hanggang Pebrero, ayon kay Agriculture officer-in-charge for operations Undersecretary Roger Navarro.

Pinaghahandaan ang El Niño dahil mapanira sa palay at kung mangyari ito, kakapusin ang suplay ng bigas.

Bago man mangyari ito, dapat nang nakahanda ang sapat na suplay at idinaraan ito sa importasyon.

Gayunman, mahal ang imported na bigas dahil sumasali na rin ang China sa pagbili nito sa paniniwalang talagang mananalasa ang El Niño kahit sa kanila.

Negosyante na rin ang mga suplayer na bansa at sinasamantala nila ang pagpepresyo, lalo na ang sapilitang importasyon ng bigas ng iba, gaya ng Pinas dahil sa kakapusan nito.

PINAS PINAKAKAPOS SA SUPLAY

Ang masakit, mga Bro, ang Pilipinas ang pinakakapos ng bigas at kaya pinaka sa lahat ng mga nag-aangkat ng bigas sa kabila ng napakataba at napakalawak nitong palayan.

Bakit? Hanggang ngayon, atrasado o makaluma ang sistema ng produksyon, taon-taong binabayo ng mga kalamidad gaya ng bagyo, siyam-siyam na ulan at baha, at kakaunti ang irigadong palayan sa tindi ng korapsyon sa paggawa ng mga irigasyon.

Naririyan din ang paglamon ng mga palayan ng mga itinatayong subdibisyon o housing project, pabrika at iba pa pang mga pangkaunlarang proyekto at pagsalakay ng El Niño na pinalalala ng pag-iinit ng mundo dahil sa polusyon.

May problema na rin ang mga magsasaka lalo’t tumitindi ang pag-ayaw sa pagsasaka ng mga kabataan na mas gustong humawak ng kompyuter bilang hanapbuhay kaya pagsali sa produksyong palay na ikapuputik ng kanilang mga katawan sa tag-ulan at ikaiitim nila na sa pagkabilad sa araw.

Ngunit pinakamatindi ang kawalan o kakapusan ng sapat na kita sa pagpapalay sa pagsasamantala ng mga negosyante o rice trader na pagpapabagsak ng presyo ng kita ng mga magsasaka sa anihan at pagbabaha sa merkado ng mga imported na bigas sa halip na bilhin ang ani ng mga magsasakang Pinoy.

Kakambal nito ang reklamo ng mga magsasaka na higit silang pinababayaan kaysa inaayudahan mula sa kapital at produksyon hanggang sa pag-iingat at pagpoproseso ng palay patungong bigas at bentahan sa merkado.

PAIYAKAN SA PRESYO

Heto ngayon ang presyuhan sa bigas sa Metro Manila na hindi nalalayo sa mga lalawigan.

Local regular milled rice – P53 kada kilo; local well-milled rice –  P55/kilo; local premium rice – P62/kilo; local special rice – P68/kilo; imported well-milled rice – P58/kilo; imported premium rice – P62/kilo; at imported special rice – P65 per kilo.

Meron ngang suplay, pero napakamahal.

Iiyak na lang ba tayo?

Previous articleMARAMING MAMAMATAY SA GYERANG DROGA – ECUADOR GOV’T
Next articleLRT-2 ops naantala sa power supply issue