MANILA, Philippines- Masamang balita ang hatid ng lokal na industriya ng langis sa mga motorista dahil asahan na muli ang malakihang dagdag-presyo ng mga produktong petrolyo sa darating na linggo.
Sa tantiya ng industriya batay sa apat na araw na oil-trading mula Agosto 7 hanggang 10, sinabi ni Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na maaaring ipatupad na dagdag-presyo sa darating na linggo ay P1.35 hanggang P1.65 sa kada litro ng gasolina; P1.10 hanggang P1.40 sa kada litro ng diesel; at P2.05 hanggang P2.40 sa kada litro naman ng kerosene.
Sakaling maipatupad ang nasabing dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo, ito na ang ika-limang sunod na linggong pagtaas sa presyo ng gasolina habang nasa ika-anim na magkakasunod na linggo naman para sa produktong diesel at kerosene.
Ayon kay Romero, ang sunod-sunod na oil price hike ay bunsod sa pagbabawas ng produksyon ng Saudi.
Ang iba pang mga kadahilanan para sa pagtaas ng pandaigdigang presyo ng gasolina ay maaaring maiugnay sa projection ng gobyerno ng US ng mas mataas na pananaw sa ekonomiya nito at ang banta ng Ukraine na gumanti kung patuloy na haharangin ng Russia ang kanilang mga daungan.
Karaniwang nag-aanunsyo ng price adjustments ang mga kompanya ng langis tuwing Lunes, na ipapatupad sa susunod na araw.
Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ng oil price hike ang mga kompanya ng langis sa bansa na P0.50 sa kada litro ng kanilang gasolina, P4.00 sa kada litro ng diesel at P2.75 sa kada litro ng kanilang kerosene. JAY Reyes