MANILA, Philippines- Magandang balita sa mga motorista ang hatid ng mga kompanya ng langis sa bansa dahil magpapatupad sila ng malakihang-bawas presyo sa kanilang mga produktong petrolyo epektibo bukas.
Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng big time oil price rollback na P3.05 sa kada litro ng kanilang gasoline, P2.45 sa kada litro ng kanilang diesel, at P3 sa kada litro naman ng kerosene epektibo alas-6 bukas ng umaga.
May malakihang bawas-presyo rin sa mga nasabing produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) at CleanFuel na magiging epektibo alas-12:01 ng hatinggabi.
Ang ipapatupad na big time oil price rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado. JAY Reyes