Home NATIONWIDE Bigtime sirit-presyo sa produktong petrolyo nakaumang!

Bigtime sirit-presyo sa produktong petrolyo nakaumang!

MANILA, Philippines – Bad news para sa mga motorista partikular na ang mga pampublikong sasakyan ang bubungad sa kanila sa susunod na linggo dahil asahan na ang panibagong taas-presyo sa mga produktong petrolyo na ipatutupad ng mga kompanya ng langis sa bansa.

Batay sa internasyonal na kalakalan ng langis sa nakalipas na apat na araw, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero na ang mga presyo ng mga produktong petrolyo ay tataas ng mas mababa sa piso para sa susunod na linggo, Hulyo 2, 2024.

Ang dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ay tinatayang nasa P0.50 hanggang P0.80 sa gasolina, P0.30 hanggang P0.60 sa kada litro ng diesel, at P0.20 hanggang P0.40 naman sa kada litro ng kerosene.

Nabatid na nasa ikawalong sunod na linggo ang ipinatupad na taas presyo sa gasolina habang nasa ikasiyam na sunod na linggo naman sa diesel at kerosene.

Karaniwang nag-aanunsyo ng price adjustments ang mga kumpanya ng langis tuwing Lunes, na ipapatupad sa susunod na araw.

Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ng taas presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa ng P1.40 sa kada litro ng gasolina, P1.75 sa kada litro ng diesel, at P1.05 naman sa kada litro ng kerosene. Jay Reyes