Home METRO Biker, angkas ng motor patay sa aksidente

Biker, angkas ng motor patay sa aksidente

MANILA, Philippines – Patay ang isang bicycle rider na patawid sa kalsada at angkas ng isang motorsiklo na nakabangga sa nagbibisekleta sa Naic, Cavite.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang bicycle rider na si alyas Ruel at angkas ng motorsiklo na si alyas Danny dahil sa malalang sugat sa katawan habang isinugod naman sa San Lorenzo Hospital sina alyas Vincent at alyas Edgardo para malapatan ng lunas.

Base sa Closed Circuit Television (CCTV), naganap ang insidente bandang alas- 6:20 ng umaga kung saan papatawid ang biktima na si alyas Ruel sakay ng kanyang kulay itim at green na Mountain bike galing Naic patungo sa Guco Road nang nabangga siya ng minamanehong kulay green na motor na Kawasaki Ninja ni alyas Vincent na binabagtas naman ang kahabaan ng Antero Soriano Highway patungo sa northbound direction ng Maragondon, Cavite.

Dahil sa mabilis na pagpapatakbo at malakas na pagkakabangga, nahila ito ng halos 20 metro ng layo at bumangga ito sa isang kulay itim na motorsiklong Yamaha Mio 125 na minamaneho ni alyas Edgardo dahilan upang mawalan naman ito ng kontrol sa kanyang manibela at tumilapon sa semento.

Nagtamo ng malalang sugat ang nagbibisikleta na si alyas Ruel at ang angkas sa motorsiklo ni Vincent na si alyas Danny na nagresulta sa kanilang agarang kamatayan habang si Vincent at Edgardo ay isinugod sa ospital para malapatan ng lunas. Margie Bautista