MANILA, Philippines – TODAS ang isang biker nang masalpok ang sinasakyan niyang bisikleta ng isang dump truck kaninang hapon sa lungsod ng Quezon.
Ang biktima na idineklarang dead on the spot ay nakilalang si Geraldo Acosta Mamadlang, nasa hustong gulang, habang agad namang naaresto ang suspek na si Junilito Anova Bernales, driver ng dump truck.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 5, dakong 1:30 ng hapon (May 31), nang maganap ang aksidente sa Payatas Road group 13 sa kanto ng Empire St., Brgy Payatas Q.C.
Sa imbestigsyon ni PSSg Alfredo B Moises III ng Traffic Sector 5, binabaybay ng dump truck ang Payatas Road patungong Montalban subalit pagsapit sa kanto ng Empire St., Brgy Payatas, ay hindi nito napansin ang paparating na bisikletang sinasakyan ng biktima at nasalpok.
Sa lakas ng impak ay tumilapon ang biktima ng may ilang metro ang layo mula sa pinangyarihan ng aksidente at bumagsak na una ng ulo sa semento na naging sanhi ng agaran nitong pagkamatay.
Inihahanda na ang kasong Reckless Imprudence Resulting In Homicide laban sa driver ng dump truck. Jan Sinocruz