Home NATIONWIDE Biktima ng trafficking, nagbabayad ng P200K para makauwi – BI

Biktima ng trafficking, nagbabayad ng P200K para makauwi – BI

MANILA, Philippines – “Lugi pa!”

Ito na lamang ang nasambit ng isang 33-anyos na lalaking biktima ng trafficking na pinauwi noong Setyembre 22 matapos piliting magtrabaho bilang scammer sa isang Chinese company sa Myanmar.

Ang biktima, na kinilalang si ‘Gio’, 33, ay umalis noong Setyembre 2022 kasama ang dalawa pang kaibigan na nagsabing maglalakbay lamang sila sa Thailand para magbakasyon.

Gayunpaman, inamin ni Gio pagkatapos ng repatriation na siya ay na-recruit ng isang ‘Liza’ na nakilala niya sa Facebook, at nakumbinsi na magtrabaho bilang isang customer service representative kung saan pinangakuan umano siya ng suweldo na hanggang P100,000 kada buwan.

Hiningan umano siya ng kanyang recruiter na magbayad ng P20,000 para sa kanyang mga gastos sa pagbiyahe na ibinawas sa kanyang suweldo.

Nabatid sa BI na pagkarating sa Thailand ni Gio ay inilipat siya sa Myawaddy, Myanmar na nasa timog-silangan ng bansa, malapit sa hangganan ng Thailand.

Napilitan umano si Gio na magtrabaho bilang online love scammer sa pamamagitan ng pag-akit sa mga dayuhang biktima na mamuhunan sa mga pseudo cryptocurrency account. Nakatanggap siya ng suweldo na P60,000 kada buwan sa loob ng 6 na buwan, malayo sa ipinangako sa kanya ng kanyang recruiter.

Nakauwi lamang siya matapos makalikom ng P200,000 mula sa pamilya at mga kaibigan para bayaran ang kanyang kumpanya para sa kanyang paglaya.

Sinabi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na ang parehong modus ay naobserbahan mula noong nakaraang taon, at ang mga biktima ay madalas pinapangakuan ng mataas na suweldo ngunit nauuwi sa utang.

Noon pang Oktubre 2022, ipinaalarma na ni Tansingco ang modus na nagta-target sa mga Pilipino na magtrabaho sa mga kumpanyang nagpapatakbo ng online scam tulad ng catfishing.

“This is a case of double trafficking, wherein the victims are trafficked by making them agree through false promises, and then they will be forced to be part of a scamming syndicate making it hard for them to seek help and repatriation,” ani Tansingco.

Ang biktima ay tinulungan ng mga opisyal ng National Bureau of Investigation at Overseas Workers Welfare Administration. JAY Reyes

Previous articleFull-time DA secretary, ipinatatalaga; rice smuggler, hoarders, pinatutugis ni Chiz
Next articleSari-sari store owners makababawi sa cash aid ni PBBM – solon