Home METRO Bilang ng mga sasakyan sa Metro Manila, dumami sa mga nakalipas na...

Bilang ng mga sasakyan sa Metro Manila, dumami sa mga nakalipas na linggo – MMDA

(c) Danny Querubin/Remate News Central

MANILA, Philippines – Dumami ang bilang ng mga sasakyan na bumibiyahe sa pangunahing kalsada sa National Capital Region sa mga nakalipas na linggo.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang bilang ng mga sasakyan ay lumaki mula 10,000 hanggang 15,000 sa nakalipas na dalawang linggo sa pagsisimula ng holiday rush.

Sinabi ni MMDA Director for Traffic Enforcement Group Victor Nuñez na ang vehicle volume ay mataas kahit na weekend, o panahon kung kailan karaniwang nasa bahay ang mga tao bago ang holiday season.

“Well ang latest count ho namin for two weeks ago eh parang dumagdag po ng 10,000 to 15,000 ‘yong traffic volume during rush hour especially po ‘yong makikita nating volume ng vehicles along major thoroughfares — Edsa (Epifanio delos Santos Avenue), and C-5, talaga hong medyo bumigat ‘yong traffic,” ani Nuñez.

“And dati-dati ‘pag Sabado, Linggo medyo magaan ngayon even on weekends mas marami ho kasing lumalabas at pumupunta sa mga malls kaya kahit Sunday and Saturday may matinding pagbagal sa daloy ng trapiko sa buong kalakhang Maynila,” dagdag niya.

“Ang nakikita namin sa obserbasyon namin, sa umaga medyo maganda ang daloy ng trapiko even on rush hours, pero pagdating po sa hapon eh talaga hong matindi ‘yong nagagamit natin na volume ng mga sasakyan, talagang even sa malls,” paliwanag pa ng opisyal.

“Even do’n sa mga busy streets na hindi naman madalas dinadaanan, ‘yong mga alternate routes, eh talagang puno na rin po, marami rin ho talagang lumalabas especially sa hapon at sa gabi kaya do’n ho ‘yong mas nararamdaman natin ‘yong pagsikip ng daloy ng trapiko.”

Para solusyunan ang taunang problema sa trapiko dahil sa mga holiday, naglatag ang MMDA ng Mabuhay Lanes, o alternatibong ruta para sa mga motorista sa halip na dumaan sa EDSA.

Siniguro naman ng MMDA sa publiko na regular nilang babantayan ang Mabuhay Lanes kasabay ng pagsasagawa ng clearing operations araw-araw.

“Patuloy ‘yong pag-clearing ng aming strike force, lalong-lalo na sa Mabuhay Lanes dahil marami na rin ho ang gumagamit nito, umiiwas sa major roads, sa mga major busy streets natin at dinadaanan ho talaga ‘yong mga alternate routes na binibigay natin especially ‘yong Mabuhay Lanes,” sinabi ni Nuñez.

“That’s why everyday, even sa hapon, nag-ooperate po ang aming strike force to clear ‘yong ating Mabuhay Lanes para naman ho ‘yong gumagamit nito ay talaga namang, at least makikita nila ‘yong alternatibong daan ay walang mga nakaharang at sagabal sa kalsada,” pagtatapos niya. RNT/JGC

Previous article11 patay sa oil terminal blast sa Guinea
Next articleHigit 250 homeless individuals nakatanggap ng regalo sa ‘LAB for All’ sa Mandaluyong