Home NATIONWIDE Bilang ng mga turista sa Socorro, bumagsak nang todo!

Bilang ng mga turista sa Socorro, bumagsak nang todo!

MANILA, Philippines – Bumagsak nang todo ang bilang ng mga turista na nagpupunta sa Socorro, Surigao del Norte na umabot sa 62.5 porsiyento nitong Oktubre 2023, ayon kay Task Force Kapihan spokesperson Edelito Sangco.

Isang buwan ito matapos mabulgar ang sinasabing sexual abuse at forced marriage sa menor de edad sa Senado, ayon kay Sangco sa pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs nitong Martes.

Aniya, apektado ang tourism program ng lalawigan sa kontrobersiyang bumabalot sa kulto kaya’t natatakot ang turista na magtungo sa Sohoton Cove at non-sting jellyfish nito.

“Ang mga turista doon ay natatakot na sa isyung ito. Ang takot ng mga turista patungkol sa presence ng kulto na tinatawag na 2212 na may sariling private army, at merong suicidal doctrine na katulad ng ISIS at ng Maute na pwedeng pumatay at magpakamatay sa kanilang diyos,” ayon kay Sangco.

Sinabi pa na bumagsak ng 42% ang bilang ng turistang nagpupunta sa Socorro matapos ibulgar ni Senador Risa Hontiveros ang isyu nitong Setyembre 2023.

Mas lalo pang bumagsak ang pagdating ng turista sa 62.9% nitong Oktubre habang nagsasagawa ang Senado ang imbestigasyon sa krimen.

“Makita natin sa data ng tourism office, sa August merong 8,792 tourists. Pero ‘pag September, nag-baba ng 5,062. So, 3,730 ‘yung difference niya. Ang matindi ‘pag October, nagiging 1,877 na lang,” ayon kay Sangco.

Ikinababahala din ng Task Force Kapihan na maaaring kumalat ang “cult scare” sa Siargao, pangunahing tourist destination sa bansa.

“Dahil ang Socorro sa Bukas Grande ay nasa part siya ng Siargao… chances are high, mag-escalate itong takot ng turista sa kulto doon mismo sa Siargao. Malaki ang tyansa na hindi lang sa aming maapektuhan, kundi ang buong Siargao na napaka-gandang isla,” aniya.

Bilang solusyon, ayon sa opisyal, plano ng Socorro local government na buwagin ang Sitio Kapihan na pinamumugaran ng SBSI members, at ilipat ang residente sa komunidad na dati nitong pinagtitirahan bago pa noong Pebrero 2019.

Aniya, dating nakatira ang mga miyembro ng kulto sa barangay Salog, Honrado, Del Pilar, Songkoy, Nueva Estrella, Rizal, Navarro, Taruc, at Sudlon.

Pero, aniya, kailangan ng mahigit P168 milyon upang maisagawa ang reintegration project hanggang 2024.

Napaulat na nagsimulang manirahan ang miyembro ng SBSI sa lugar matapos ang lindol noong 2019.

Ibinulgar ni Hontiveros sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 797, ang nakaka-alarmang ulat hinggil sa kaso ng rape, sexual abuse, forced labor, at forced marriage of minors ng SBSI, na pinamumunuan ni Jey Rence Quilario o “Senior Agila.”

Dinakip si Quilario ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes kasama ang ilang miyembro ng kulto sa kasong human trafficking. Ernie Reyes

Previous articleOath-taking ng mga bagong abogado, itinakda sa Disyembre 22
Next articleSpecial election sa NegOr ipinagpaliban