MANILA, Philippines – Bahagyang bumaba ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho, ayon sa national survey ng Social Weather Stations.
Ito ay matapos na umabot sa 19% ng adult labor force o tinatayang nasa 8.7 milyong Filipino ang walang trabaho.
Bagama’t mas mababa ang bilang na ito kumpara sa 21.3% o 9.6 milyong Filipino na naitalang walang trabaho noong Disyembre 2022, mas mataas pa rin ito sa pre-pandemic level na 17.5% noong Disyembre 2019.
Ang survey ay ikinasa face-to-face mula Marso 26 hanggang 29, 2023 sakop ang 1,200 adults sa buong bansa, o tig-300 mula
Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.
May sampling error margins naman ito na ±2.8% sa national percentages, at tig-±5.7%sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.
Hindi rin kinomisyon ang naturang survey.
“As of March 2023, adult joblessness was highest in Balance Luzon at 21.7%, followed by Mindanao at 19.0%, Metro Manila at 17.5%, and the Visayas at 13.5%,” ayon sa SWS.
“Compared to December 2022, the quarterly joblessness fell from 24.8% in Metro Manila, 23.1% in Balance Luzon, and 18.6% in the Visayas. However, it hardly moved from 18.1% in Mindanao,” dagdag pa.
Ang maituturing na jobless ay ang mga taong umalis sa kanilang dating trabaho, mga naghahanap ng trabaho sa unang pagkakataon, at mga natanggal sa trabaho sa hindi konrtoladong dahilan.
Matatandaan na noong kasagsagan ng pandemya o Hulyo 2020 ay umakyat sa 45.5% ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho. RNT/JGC