MANILA, Philippines- Nakatakdang magsagawa sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Fumio Kishida ng bilateral meeting ngayong linggo upang palakasin ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Sa press release na inilabas ng Presidential Communications Office nitong Martes, sinabi ng Department of Foreign Affairs na bibisita si Kishida sa Pilipinas sa November 3 hanggang 4, at inihayag na sasalubungin siya ni Marcos sa isang seremonya sa Malacañang Palace sa Biyernes.
“The two leaders will hold a bilateral meeting to discuss areas of mutual concern such as political, security, economic and development cooperation, as well as people-to-people ties,” anang DFA.
Inaasahang tatalakayin din nina Marcos at Kishida ang regional at international issues at pagtitibayin ang relasyon ng dalawang bansa.
Matatandaang bumisita si Marcos sa Japan nitong taon, kung saan nakakalap siya ng $13 bilyong investment agreements na nakikitang makalilikha ng libo-libong trabaho para sa mga Pilipino.
Gayundin, nauna nang nagkasundo sina Marcos at Kishida na paiigtingin ang defense at security relations ng Manila and Tokyo.
Nagkasundo ang dalawang Asian leaders para sa mas malawak ng bilateral discussions sa pagtugon sa regional at international situations, partikular sa Indo-Pacific region. RNT/SA