Home NATIONWIDE Binatilyong pumatay sa mag-inang Pinoy sa US, kinasuhan na

Binatilyong pumatay sa mag-inang Pinoy sa US, kinasuhan na

UNITED STATES – Sinampahan na ng two counts ng criminal homicide ang 17-anyos na binatilyo na pumatay sa isang Pinoy na nanay at babaeng anak nito sa Pennsylvania, Estados Unidos.

Walang nakatakdang piyansa para sa suspek na si John Derwin Bradley, na inakusahan ng pagpatay kay Rosalyn Siobal Glass at 16-anyos na anak nitong si Rianna Lynn.

Ayon sa court records, ang suspek at si Rianna Lynn ay dating magkarelasyon, ngunit ang biktima ay nakipaghiwalay sa suspek na hindi naman nito tinanggap nang maluwag sa kalooban.

Noong nakaraang linggo, binisita pa umano ng suspek ang bahay ng biktima at nakipag-usap kay Rianna Lynn.

Nagpadala pa ng mensahe ang biktima sa isang kaibigan nito na nagpapahayag ng pagkabahala sa pagpunta ng suspek sa kanilang tirahan.

Sa kasunod na araw, nadiskubre na lamang ang wala nang buhay na katawan ng mga biktima na kapwa nagtamo ng saksak sa katawan.

Nakita sa surveillance camera ang suspek, kasama ang 14-anyos na babae, na napaulat na ninakaw pa ang sasakyan ng biktima.

Kapwa umano sangkot ang dalawa sa insidente, at natagpuan ng pulisya ang kutsilyong may bahid pa ng dugo, na pinaniniwalaang murder weapon na ginamit ng suspek.

Kinumpirma naman ng digital forensic evidence ang presensya ng suspek sa tirahan ng mga biktima, at ang Bluetooth connection ng cellphone ng suspek sa sasakyan ng biktima.

Umaasa naman ang Filipino community sa Pennsylvania na mabibigyang-hustisya ang mag-ina. RNT/JGC

Previous articleDidal 50-50 ang tsansa sa depensa
Next articleEala nakakuha ng opening-round bye sa Asian tennis