INABOT ng 30 taon ang legal battle sa pagitan ng Taguig at Makati City kaugnay sa territorial dispute na nagsimula sa agawan sa Bonifacio Global City hanggang nadamay na ang Embo barangays.
Sa isip-isip ng marami, kung hindi sana hinangad ng Makati City na makuha pa ang pag-aari na ng Taguig sa pamamagitan nang pag-akyat ng usapin sa Korte Suprema, sana ay nasa kanila pa ang Embo barangays.
Ito rin ang paniwala ng ibang nasa legal profession tulad ni Atty. Darwin Cañete, prosecutor at kilalang blogger, na nagpost sa kanyang Facebook at sinabing sa kagustuhang makuha ng pamilya Binay ang BGC ng Taguig sa pamamagitan ng mga korte, naging mapait ang sinapit dahil sa desisyon, hindi lang ang 240 hectare na military reservation ng Fort Bonifacio kung saan naroon ang BGC ang nakuha ng Taguig kundi maging ang Enlisted Men Barrio o EMBO.
Sa pagbabalik kasaysayan, dahil makapangyarihan ang pamilya Binay at nagpahiwatig ng interes sa BGC, nagsampa ng petisyon noong 1993 sa Pasig City Regional Trial Court ang pamahalaan ng Taguig.
Nanalo ang Taguig sa kaso noong 2011 subalit iniakyat naman ng Makati ang apela sa
Court of Appeals at noong 2013 ay nanalo naman ang Makati na pinagsimulan ng away ng dalawang lungsod at ng kanilang supporters.
Sa pag-unlad ng BGC, dala ng malalaking multi-national companies, mas lalong naghangad ang mga Binay na makuha o mabawi ang BGC na nagdulot ng hidwaan sa pagitan ng mga alkalde noong sina Jun-jun Binay at Lani Cayetano.
Nanalo ang Makati sa Court of Appeals kaya maaga silang nagdiwang subalit naunsyami dahil napatunayang nag-forum shopping ang Makati City. Muli na namang iniakyat ng Makati ang territorial dispute sa Korte Suprema.
Ibinaba ng SC ang final and executory decision sa dispute kaya naman unti-unit ang take-over na ginagawa ng pamahalaang lokal ng Taguig sa EMBO barangays.
Sa ngayon, tanging si Mayor Abby Binay na lang ang ayaw sumunod sa desisyon ng Korte Suprema.