BINILING PPEs NG PCG PINAIIMBESTIGAHAN

BINILING PPEs NG PCG PINAIIMBESTIGAHAN

May 21, 2020 @ 8:06 AM 1 week ago

  •  
  •  
  •  
Share

ILANG private message ang natanggap ng PAKUROT mula sa ilang kakilala na nasa Philippine Coast Guard (PCG) na humihingi ng tulong na makarating sa Malakanyang ang kalokohan ng ilang opisyal ng kanilang ahensiya na nasa ilalim ng Department of Transportation (DoTr).

Nakasaad sa mensahe ng mga tauhan ng PCG na maimbestigahan sana ang kanilang hierarchy upang mabatid ang katotohanan kaugnay sa umano’y pagbili ng personal protective equipment (PPEs) na umabot sa halagang kulang sa P200 milyon.

Sabi ng source ng Pakurot, sa kasagsagan nang pananalanta ng Corona Virus Disease-2019 sa iba’t ibang bahagi ng bansa, sinamantala naman umano ng pamunuan ng PCG ang pagbili ng multi-milyong halaga ng mga gamit tulad ng personal protective equipment tulad ng facemasks, gloves, nebulizers, face shields at iba pa.

Mukhang nilamangan ng mga opisyal ng PCG ang pamahalaan at maging ang mga tauhan ng PCG dahil mukhang walang delivery na naganap at tila nakipagsabwatan lang sa kanila ang kumpanyang kanilang kakontrata na mula naman sa Bonifacio Global City na supplier ng ahensiya ng baril at bala.

Galit na galit ang ilang tauhan ng Coast Guard na nakaaalam ng kalokohan ng mga opisyal dahil nga naman hinayaan na lang silang mabilad sa disgrasyang posibleng idulot ng kanilang pagiging frontliner gayung wala naman silang natanggap na PPE mula mismo sa headquarters at kung meron man, iyon ay galing na sa pribadong sector.

May ilang opisyal ng PCG na magreretiro na bago at pagkatapos ang ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECG) subalit hindi na maiimbestigahan ang mga ito kaugnay sa pagbili ng multi-milyong halaga ng PPEs kaya naman low morale ang karamihan sa rank and file ng PCG.

Sa totoo lang, sabi ng mga rank and file, sukang-suka na sila sa pinaggagagawa ng mga matataas na opisyal ng Coast Guard subalit wala silang magawa dahil kapag nabatid ng pamunuan ng PCG ang kanilang mga pagtutol ay tiyak na malalagay sila sa balag ng alanganin tulad nang pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa kanila o kaya naman ipatapon sa kanila sa malalayong destinasyon.

Kaya naman, nananawagan ang mga ito sa tanggapan ni DoTr Secretary Art Tugade na imbestigahan ang PCG kaugnay sa “purchase” ng PPE.

Kung hindi maimbestigahan ng DoTr, baka naman pwedeng Senado na ang magsagawa ng imbestigasyon sapagkat bukod sa pwedeng sampahan ng kasong paglabag sa “Bayanihan Act to Heal As One” ang mga taga PCG ay mas nararapat na sampahan ng kasong plunder ang mga ito dahil mahigit P150 milyong piso ang hinahanap ng mga tauhan nito sa kanilang mga tiwaling opisyal.

Share

Leave a Reply

Loading...