Home NATIONWIDE BIR nakakolekta ng P2.5T buwis noong 2023

BIR nakakolekta ng P2.5T buwis noong 2023

MANILA, Philippines – IBINAHAGI ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na tumaas ang kanilang koleksyon ng buwis sa pinakamataas na talaan noong 2023, ngunit kulang pa rin ito sa target nila sa buong taon na kita dahil na rin sa collection adjustment ng value-added tax (VAT).

Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., sa ginanap paglulunsad ng National Tax Campaign, mahigit P2.5 trilyon ang nakolekta ng BIR noong 2023 na may katumbas na humigit-kumulang 7.5% na mas mataas kaysa sa kanilang koleksyon ng buwis noong 2022.

Gayunpaman, ang koleksyon noong nakaraang taon ay kulang sa target ng gobyerno na P2.64 trilyon.

“This could have been higher if not for some adjustments in our VAT filing and payment deadlines,” ani Lumagui.

Sa panayam kay Lumagui, bagama’t nabigo ang ahensya na maabot ang target na koleksyon nito, malugod pa rin itong pag-unlad kung ikokonsidera ang isang buong quarter na koleksyon ng VAT ay hindi naitala noong 2023.

“The VAT compliance became quarterly from monthly, so a whole quarter of VAT did not come in last year,” ani Lumagui, na binanggit na ang huling quarter ng koleksyon ng VAT ng 2023 ay kukunin sa Enero.

Giit ni Lumagui, kung ang Oktubre hanggang Disyembre 2023 na koleksyon ng VAT ay naitala noong nakaraang taon maaaring P2.6 trilyon ang koleksyon ng ahensya noong 2023.

Sa kanyang talumpati sa kaganapan, sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto na layunin ng gobyerno na makakolekta ng P4.3 trilyon ngayong taon, na ang malaking bahagi nito ay kokolektahin ng BIR na may target na P3.05 trilyon.

Samantala, ang Bureau of Customs ay inatasang mangolekta ng halos P1 trilyon noong 2024.

Nagpahayag ng kumpiyansa si Lumagui na maabot ng BIR ang buong taon nitong target sa pagkakataong ito.

Ayon pa kay Lumagui, ang digitalization at streamlining ng mga proseso upang mapagaan ang pagbabayad ng mga buwis ay makatutulong din sa mga pagsisikap nitong pangongolekta ng buwis ngayong taon. JAY Reyes

Previous article68 katao nawalan ng tirahan sa sunog sa Cabuyao
Next article2023 accomplishments pagnilayan sa Chinese New Year – PBBM