
NAGULAT ako na may halong pagkalito, nang malaman ko ang pinakabagong utos ng Department of Education tungkol sa visual aids sa loob ng classrooms.
Dapat daw ay panatilihing malinis ang buong classroom, at kasama dito ang pagtatanggal sa lahat ng visual aids tulad ng mga posters, litrato, kataga o anomang printed materials sa mga pader ng classrooms. Mabilis namang tumalima ang mga eswelahan, pero halatang-halata mo ang pagkadismaya ng maraming mga guro at mga magulang.
Pagkatapos umani ng sandamakmak na batikos, lalo na sa netizens, mas lalo rin namang nagmatigas si DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte. Sinabi n’ya na napakalinaw at wala dapat ikalito ang mga tao sa kayang order.
Sa isang banda, maganda sana ang intensyon ng kautusan. Dapat nga kasi ay nakatutok sa mga titser ang lahat ng estudyante, para mas maintindihan nila ang leksyon. Mas matututo ang isang bata kung nakikita at naririnig niya n’ya habang nagsasalita sa harap si Mam. Tama naman yon.
Kaya lang, meron din kasing konsepto ng “visual learning”, kung saan pwedeng makatulong ang mga litrato, posters, graphs at iba pa. Kumbaga, nabigyan ng representasyon ang isang ideya na sinasabi at naririnig lang. Kaya nga visual aids ang tawag sa mga ito.
Mahalaga rin ang mga ito para tumimo sa isip ng mga bata ang isang konsepto. Kasi kapag araw-araw mo nga naman nakikita ang mga katagang “Honesty is the best policy” o “Maging magalang sa mga nakakatatanda”, eh hindi mo basta-basta malilimutan yan. At tatanggapin mong totoo ang mga konsepto o prinsipyo ang mga ito, dahil lahat ay araw-araw na nababasa ito.
Isa pa, maganda rin na merong listahan ng awards o naka-display ang mga “best art” o “role model students” sa isang parte ng classroom. Para naman itong pagkilala sa mga magagaling na gawain ng ilang ka-eskwela nila.
Palagay ko ay pwedeng maging isang dahilan ang kautusang ito para mas bumagal ang “learning” sa mga pampublikong eskwelahan. At dahil hindi naman ito ipapatupad sa mga private schools, pabor na naman ito sa mga medyo nakaaangat sa buhay.
Naisip ko tuloy, baka nga tama yong komento ng ilan, na ginawa ni VP Sara ang kontrobersyang ito, para lang mabawasan ang mga puna sa confidential at intelligence funds ng DepEd.