Home NATIONWIDE Biyahe ng ilang barko, kanselado

Biyahe ng ilang barko, kanselado

MANILA, Philippines – Kanselado ang byahe ng dalawang barko sa Port of San Carlos sa Bacolod dahil sa malakas na alon bunsod ng masamang panahon, inanunsyo ng Philippine Ports Authority (PPA) mula sa PMO Negros Occidental Bacolod.

Nasa 343 na pasahero naman ang stranded o nanatiling nasa pantalan ngayon habang hindi makapaglayag ang mga barko.

Sa Port of Getafe naman sa Bohol, kanselado rin ang last trip ng barko ng Sta. Rosa Ferry Express na Edgel Ferry Express IV para sa ala-5:00 na biyahe ngayong araw, Enero 17.

Patungo ito sa Hilton, Punta Engano, Lapu Lapu, Cebu bunsod naman ng preventive maintenance at repainting bilang paghahanda sa fluvial parade of Patron St. Nino sa Enero 26, 2024.

Kanselado rin ang mga pampasaherong barko na may 250 GRT pababa sa Bicol na may rutang Baseport Legazpi patungong Rapu-Rapu, Albay (vice-versa) ngayong araw dahil sa Gale Warning Advisory ng PAGASA.

Suspendido rin ang biyahe ng pampasaherong Supercat St Sariel/ St Sealthiel/ St Braquiel na may rutang mula Ormoc patungong Cebu ngayong araw, dulot ng malalakas na alon.

Sa Davao naman, nagpatupad ng work-from-home arrangement ang lokal na pamahalaan kasunod ng General Flood Advisory ng PAGASA, gayunman magpapatuloy ang serbisyo ng mga frontline personnel upang hindi maantala ang serbisyo sa publiko.

Wala namang inanunsyo ng pagkansela ng biyahe.

Muling pinapaalalahan ng PPA ang mga biyahero na makipag-ugnayan sa kanilang mga shipping line para sa karagdagang detalye ng kanilang biyahe.

Samantala, nauna nang nag-abiso ang PPA sa mga pasahero na gumamit ng ibang ruta kasunod ng naantalang byahe dahil sa sama ng panahon.

Bunsod ng sama ng panahon dala ng hanging amihan, nabawasan ang biyahe ng mga barko sa rutang Matnog, Sorsogon – Allen, Northern Samar mula noong Linggo hanggang nitong Marte.

Ang 13 Roll-on Roll-off (RoRo) vessel sa nasabing ruta ay nakapagtala lamang ng 25 biyahe kada araw mula sa normal na 30 na biyahe kung walang sama ng panahon.

Nagdulot ito ng pagsisikip sa pantalan at pila ng mga sasakyan na umabot sa nasa 180 unit ng truck.

Para makaiwas sa abala, pinapayuhan ng PPA ang mga biyahero na gamitin ang ibang ruta gaya ng: Pio Duran, Albay – Masbate City; Pilar, Sorsogon – Masbate City; Pilar, Sorsogon – Mobo Port, Masbate; Masbate City – Cebu; Mobo Port, Masbate – Cebu; Mintac Port, Cataingan, Masbate – Pulambato Port, Bogo, Cebu; Mintac Port, Cataingan, Masbate – Cebu. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleImpounding areas palalawakin sa mga mahuhuling kolorum PUVs sa Pebrero – LTO
Next articleMga istranded sa matinding baha sa Davao, inilikas ng PRC