Home NATIONWIDE Biyahe sa mga pantalan sa Cebu, suspendido

Biyahe sa mga pantalan sa Cebu, suspendido

MANILA, Philippines – Pansamantalang sinuspinde ang biyahe ng lahat ng 16 daungan sa Cebu bilang paghahanda sa epekto ng bagyong Kabayan na tatama sa nasabing probinsya.

Kinansela ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kabuuang 31 biyahe na sumasaklaw sa lahat ng uri ng sasakyang pandagat.

Sinabi ng Cebu Ports Authority na ang mga apektadong biyahe ay ang mga mula sa Cebu Island papuntang Bohol, Leyte, Siquijor, Negros Island, Camotes Islands, Bantayan Islands, Olango Island, Samar, Surigao provinces, Northern Mindanao, at Iloilo.

Ayon sa pinakahuling ulat ng PCG-7, walang pasaherong naistranded sa mga daungan ng Danao, Mandaue, at Cebu City.

Dahil sa malalaking alon sa daungan ng Toledo City, nahirapan ang mga barko na dumaong.

May mga ulat ng mga sasakyang pandagat na humigit-kumulang isang oras nang nakahinto sa pier ng lungsod dahil sa maalong dagat.

Hindi nakaranas ng malakas na hangin ang Cebu City bagama’t may mga pag-ulan sa maghapon. Nanatiling kalmado rin ang tubig sa Mactan channel.

Tinataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration Mactan Island weather station na maaaring maramdaman ang epekto ng bagyong Kabayan sa lugar ngayong Lunes, Disyembre 18. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleNo. 2 top most wanted person ng Malabon, timbog!
Next articleBiyahe ng mga barko sa VisMin, kanselado sa bagyong Kabayan