Home NATIONWIDE BJMP: Jail congestion bumaba sa 322%, masikip pa rin

BJMP: Jail congestion bumaba sa 322%, masikip pa rin

MANILA, Philippines- Nananatiling masikip sa district, city, at municipal jail facilities sa bansa subalit bumaba na sa 322% mula 365% noong nakaraang taon, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Biyernes.

Iniugnay ni BJMP chief Jail Director Ruel Rivera ang pagbaba sa pagpapalaya sa persons deprived of liberty (PDLs) kamakailan at pagsisikap ng bureau na paghusayin ang jail facilities, sa kabila ng limitadong resources.

“Malaki na hong bagay ‘yon sapagkat mahigit 8,000 ang lumaya doon sa nasabing datos na binigay namin and meron din po kami 15 na naisaayos at naisagwa na piitan kaya nagluwag ito,” pahayag ni Rivera.

Sa kabila ng bahagyang pagluwag sa mga piitan, sinabi ni Rivera na kulang pa rin sa tauhan ang bureau upang hawakan ang administrasyon at operasyon ng mga pasilidad sa ilalim ng hurisdiksyon nito.

Sa kasalukuyan, ang bureau ay mayroon 23,000 tauhan habang 2,000 pa ang nakatakdang manumpa bilang bahagi ng serbisyo. Subalit, iginiit ni Rivera na hindi pa rin ito sapat upang maabot ang rekisitos na 60,000 sa kabuuan.

“‘Pag tiningnan ho ninyo kulang na kulang po kami, almost half po ang kakulangan. Kaya ‘pag nakikita n’yo mga escorting service namin, makikita n’yo isang bus, 10, 15 lang ang nag-e-escort,” ani Rivera. RNT/SA