MANILA, Philippines – Nasa ikalawang araw nang nasusunog ang isang bodega sa Barangay Bagbaguin, Valenzuela City.
Hanggang nitong 5:30am ng Biyernes, Setyembre 29 ay hindi pa rin nagdedeklara ng fire out ang Valenzuela City Fire Station sa storage ng Herco Trading.
Nagsimulang magliyab ang nasabing storage warehouse sa G. Molina St. Barangay Bagbaguin nitong Huwebes, bandang 12:30 ng hapon, at itinaas sa ikalawang alarma bandang 12:32 pm, ikatlong alarma pagsapit ng 12:51 pm at ikaapat na alarma sa 1:06 pm.
Humigit kumulang 200 nang pamilya ang inilikas mula sa paligid ng natupok na bodega at kahit na malakas ang usok na nakaimbak na mga hardware at kemikal dito ay mapalad na wala pang naitalang namatay o nasaktan.
Tinatayang lagpas P50 milyon na ang pinsala at inaalam pa rin kung ano ang ugat ng sunog. Merly Iral